Bukod sa fashion sense, inihayag ni Ysabel Ortega ang kaniyang paghanga kay Heart Evangelista pagdating sa pagtulong sa mga nangangailangan.
Sa Kapuso Showbiz News, sinabi ng Kapuso actress na kung papipiliin siya kung sino sa mga idol niya ang gusto niyang makasama sa panahon ng enhanced community quarantine, ito ay walang iba kung hindi si Heart.
"Kasi palagi kong nakikita 'yung mga TikToks niya ngayon and it really brightens up my day and sobrang love ko 'yung fashion sense niya. So if ever may gusto akong maka-quarantine, gusto ko po si Ms. Heart kasi gusto kong makita in action na live 'yung mga wardrobe changes niya, 'yung outfits niya," sabi ni Ysabel.
At kung mayroon naman siyang payo na hihingin sa Kapuso Queen of Creative Collaborations, ito ay kung paano tumulong pa sa kapwa.
"Siguro 'yung advice na hihingiin ko is, how can I be more involved when it comes to helping people, kasi one thing that I look up to when it comes to Ms. Heart is palagi siyang tumutulong sa ibang tao," saad ni Ysabel.
"And no matter how blessed she is, hindi pa rin niya nakakalimutan 'yung mga ibang tao na less fortunate, so super ina-idolize ko siya because of that," dagdag niya.
Nasa La Union si Ysabel ngayong panahon ng ECQ, at tumutulong din sa kanilang komunidad.--Jamil Santos/FRJ, GMA News
