Hindi maiwasan ni Ken Chan na makaramdam ng kaba para sa bago niyang project na "Ang Dalawang Ikaw" lalo't muli itong tumatalakay sa usapin ng mental health.

"I'll be honest, kinakabahan talaga ako dito sa bagong teleserye naming 'Ang Dalawang Ikaw.' Kasi hindi po siya ganoon kadali, sobrang challenging po ng role na ibinigay sa akin," sabi ni Ken sa At Home with GMA Regional TV.

Ngunit ayon kay Ken, isa talaga sa mga dream role niya ang gumanap bilang isang may kondisyon sa pag-iisip.

"Sobrang happy po ako dahil nag-trust po sa akin ang GMA Network na ibigay sa akin ang ganitong klaseng role, at isa sa mga pinapangarap kong role."

"This is all about DID or dissociative identity disorder, a very sensitive topic. Maraming marami sa atin ang hindi nakakaalam kung ano ba ang ibig sabihin ng dissociative identity disorder o 'yung multiple personality," paliwanag ni Ken.

Muling makakatambal ni Ken si Rita Daniela, na nakatambalan niya sa "My Special Tatay" at "One of the Baes."

Sa kuwento, mayroong dalawang katauhan si Ken na sina Nelson at si Tyler.

Gaganap naman si Rita bilang si Mia, asawa ng karakter ni Ken na si Nelson, na magkakaroon ng kaagaw sa kaniyang mister dahil sa split personality nito.--FRJ, GMA News