Nag-post ng video habang nag-e-exercise si Mocha Uson para pasinungalingan ang mga bali-balitang buntis siya at si Robin Padilla ang ama. 

Sa video, makikita rin ang maliit na tiyan ni Mocha, na kasalukuyang deputy administrator ng Overseas Workers Welfare Administration (OWWA).

“Buntis daw ako kay Robin? Wala pong katotohanan yang tsismis na yan. Napakabait po nung tao [Robin],” sabi ni Mocha sa caption ng video.

Naniniwala si Mocha, dating lider ng grupo ng sexy singers na Mocha Girls, na galing sa kritiko ng administrasyong Duterte ang tsismis.

“Nakakahiya naman kay idol Robin at Mariel [Rodriguez]. Sigurado ako ang nagpapakalat niyan ay yung mga bitter sa ating gobyerno,” saad niya.

“Alam ng lahat na ako at si sir Robin ay masugid na supporter ni Pangulong Duterte kaya na lang sinisiraan kami. Kulelat kasi sa survey ang pambato nilang si [Vice President Leni] Robredo kaya kung anu-ano paninira ang iniimbento nila.  Lunch break! Workout na muna tayo!” dagdag niya.

'Wag kaming idamay'

Sa maigsing pahayag, sinabi naman ni Atty. Barry Gutierrez, tagapagsalita ni Robredo na, "Huwag nga niya kaming idamay sa kalokohan niya.”

Naunang itinanggi ni Mariel at tinawag niyang walang basehan ang intrigang nagdadawit sa kaniyang mister na si Robin kay Mocha.

Sinabi pa ng aktres na nagdadalamhati ngayon si Robin dahil sa pagkamatay ng kapatid na si Royette at hindi nito alam ang naglalabasang intriga.

“So many people are sending me messages… ‘checking; on me. People are tagging me bla bla bla… let me tell you this. ROBIN’S BROTHER PASSED AWAY. He is grieving. He has never been in so much pain all his life. He doesn’t need your baseless gossip,” ani Mariel sa Instagram post.

“Namatayan ng kapatid yung asawa ko. Please lang po. He doesn’t even know anything about all this rumor but I am putting a stop to this NOW. May oras para maging assholes now is not that time. Please,” patuloy niya. – FRJ, GMA News