Nag-shoot na ng kanilang prenup photos sina Glaiza de Castro at fiancé na si David Rainey sa Ireland.

Sa Chika Minute report ni Lhar Santiago sa GMA News "24 Oras," sinabi ni Glaiza na isa ito sa mga dahilan kung bakit naging produktibo ang mga huling araw niya sa Ireland.

"May mga nagtatanong kung gumawa ba kami dito ng engagement video or ng prenup. So nakagawa kami since puwede naman kaming lumabas within five kilometers from their house. And apparently may kaibigan siya or may kakilala siya na photographer na naka-collaborate namin. Madami kaming nagawa," saad ng Kapuso actress.

Makikita rin ito sa Instagram ng wedding photographer na si Paul Doherty.

Matatandaang lumipad patungong Ireland si Glaiza noong Disyembre para doon na magdiwang ng Pasko kasama ang pamilya ni David.

Ngayong engaged na, sinabi ni Glaiza na lalo siyang naniniwalang si David ang tao na bigay sa kaniya ng Diyos.

"Noong time na nag-aalinlangan ako kung talagang siya ba 'yung tao para sa akin, laging may pinapakita si Lord na pagkakataon para sabihin sa 'kin na 'Ito 'yung binigay ko para sa'yo,'" sabi ni Glaiza.

"Masasabi ko na through David, nararamdaman ko rin 'yung blessing sa 'kin ni Lord, 'yung pagmamahal Niya sa 'kin. Kasi pinaparamdam Niya sa 'kin kung gaano ako ka-special." – Jamil Santos/RC, GMA News