Aminado si Shayne Sava na naiirita rin siya sa mga ginagawa ni "Jamilah" na karakter niya sa Kapuso hit primetime series na "Legal Wives."

Sa Chika Muna report ni Nelson Canlas sa GMA News "24 Oras" nitong Miyerkules, nagpapasalamat si Shayne sa mga manonood na naapektuhan ng kaniyang karakter na si Jamilah.

"Naiintindihan ko rin 'yung side niya pero at the same time, kahit ako, 'pag pinapanood ko siya, naiirita ako sa kanya," ayon sa young actress.

Si Jamilah ay anak ni Amirah (ginagampanan ni Alice Dixson), na isa sa mga asawa ni Ishmael (Dennis Trillo).

Hindi nagustuhan ni Jamilah na pinakasalan ni Ishmael si Farrah (Bianca Umali), lalo na nang biglang umalis sa kanilang bahay si Amirah.

Dahil dito, gumagawa ng paraan si Jamilah na guluhin ang buntis na si Farrah, ngayong nakipagbalikan kay Ishmael ang isa pa nitong asawa na si Diane (Andrea Torres) na buntis din.

Ang "Legal Wives" ang kauna-unahang Muslim teleserye sa Philippine TV, na mapapanood pagkatapos ng "24 Oras." —FRJ, GMA News