Kapansin-pansin ngayon ang mas fit na figure ni Barbie Forteza na isinama sa kaniyang exercise routine ang pagsasayaw sa Tiktok.

Sa Chika Minute report ni Aubrey Carampel sa GMA News "24 Oras" nitong Miyerkoles, sinabing pinusuan ng marami at milyon-milyong views na ang Tiktok videos ni Barbie kung saan ibinida niya ang kaniyang dance moves.

Ayon kay Barbie, isinasabay niya ang pagsasayaw sa tuwing siya ay nagwo-workout at home.

Kaya mapapansin sa videos niya ang mas gumaganda pa niyang figure.

Kasabay nito, muling pinaghahandaan ni Barbie ang pagsabak niya sa taping para sa bagong episode ng "Regal Studio Presents" kung saan makakasama niya si Royce Cabrera.

"Nabasa ko na rin 'yung script, sobrang cute and lahat ng makakatrabaho ko dito ay first time ko rin makaka-work kaya I'm very excited and I'm looking forward na ma-meet sila at makatrabaho sila," ani Barbie.

Samantalang ang nobyo niyang si Jak Roberto, abala sa taping ng upcoming episode ng Stories From the Heart na "Never Say Goodbye."

Hindi na aniya sila nakapagpo-post ng vlog.

"Medyo wala rin masyadong time pag-vlog, pero sana talaga soon kasi mga Barbienatics juice ko, naghahanap na ng vlog," sabi ni Barbie.

Achievement naman para kay Barbie ang makapagparehistro para unang beses na maging botante.

https://www.gmanetwork.com/news/balitambayan/chikamuna/804816/bianca-umali-na-pumila-ng-3am-para-magparehistro-natapos-ng-4pm/story/

Pinost ni Barbie ang kaniyang registration experience para mahikayat din ang mga kabataang tulad niya na magparehistro at malaman din ng iba kung paano ang proseso.

Excited na raw siyang magamit ang kaniyang right to vote sa susunod na taon.

"Alam kong isang boto lang naman ako. But still, isang boto pa rin 'yon. So para sa akin malaking bagay din talaga siya," sabi ni Barbie. --Jamil Santos/FRJ, GMA News