Inihayag ni AiAi Delas Alas na ipepetisyon niya ang asawa niyang si Gerald Sibayan para manirahan sa Amerika. Kabilang pa sa kanilang plano ang pagbubuntis niya sa pamamagitan ng surrogacy.

"'Yung The Clash kasi, 'yan talaga ang parating uuwian ko in case. Kasi siyempre sa buhay natin, kagaya ni Golden (CaƱedo) minsan may priority ka rin. Although babalik naman ako rito kasi ang nanay ko matanda na, so bibisitahin ko," sabi ni AiAi sa Kapuso Showbiz News.

"Kaya lang siyempre sa totoo lang, ngayon pa lang ako talaga magiging may asawa, na ang priority ko, si Gerald. Kasi bukod sa ipe-petition ko siya, kailangan niya rin ng kasama roon sa Amerika. Alangan nga namang nandito ako, nandoon siya. Juice ko, bakit pa kami naging mag-asawa. At saka kasi, ngayon ko lang din ako mag-full blast ng green card ko," dagdag ni AiAi.

Ayon kay AiAi, bubunuin na niya ang kaniyang pagiging green card holder.

"2015 pa kasi ang green card ko. So kung bibilangin mo noong 2020, five years na ako, dapat citizen na ako. So ngayon ko talaga siya bubunuin. Kasi 'di ba sayang naman 'yung pagkakataon, binigyan ako ni Lord ng pagkakataon magkaroon ng green card tapos sasayangin ko lang. Gagawan ko siya ng paraan ngayon," paliwanag niya.

Tinanong din si AiAi kung bukas siya sa ideya ng pagbubuntis sa pamamagitan ng surrogacy.

"Oo. Lahat 'yan planado na sa mga gagawin namin sa Amerika. Prayers lang and everyday na hope na lahat ito ay magiging maganda," anang Kapuso Comedy Queen.--FRJ, GMA News