Inamin ni Faith Da Silva na may isang bagay na iniuwi siya mula sa set ng pinagbidahan niyang Kapuso series na "Las Hermanas," na nagtapos nitong nakaraang linggo.

Sa panayam ng Kapuso Showbiz News, hindi naitago ni Faith ang kasiyahan na napabilang sa mga lead star ng "Las Hermanas," kasama sina Thea Tolentino, Yasmin Kurdi at Albert Martinez.

Ang naturang proyekto kasi ang unang pagkakataon na napabilang siya sa mga leading lady at naging kapareha pa ng batikang actor-director na si Albert.

Bukod sa mahuhusay na artista, napabubuting tao rin umano ang mga nakatrabaho niya sa serye.

"Outside sa work hindi mo maitatanggi kung gaano sila kababait na mga tao," ayon kay Faith, na unang pagkakataon din na nakatrabaho sina Yasmin at Albert.

Pagkatapos nga raw ng kanilang proyekto, nagkaroon daw si Faith ng dalawang bagong kapatid na sina Yasmin at Thea, at bagong kaibigan, na si Albert.

Aminado rin ang aktres na may iniuwi siyang bagay mula sa set ng "Las Hermanas" bilang souvenir.

Natatawang ipinakita ni Faith ang portrait ng karakter ni "Carla Illustre," ang unang asawa ng karakter ni Albert na si Lorenzo.

Si Carla ay kamukhang-kamukha ni Scarlet Manansala, na ginagampanan din ni Faith.

Taliwas sa isang eksena sa serye na winasak ni Scarlet ang portrait ni Carla, sinabi ni Faith na nasira niya talaga ito at natanggal sa frame pero hindi naman naapektuhan ang mismong larawan kaya niya iniuwi.

--FRJ, GMA News