Inilahad ni Saviour Ramos na nakararamdam siya ng pressure dahil sa pagiging "sexy" o matinee idol ng kaniyang ama na si Wendell Ramos.

"Pressure 'yon kuya Ry (Ryan Agoncillo) sobra. Kasi siyempre 'yung dad ko sexy, so dapat ako maging sexy din," sabi ni Saviour nang maging panauhin sa Bawal Judgmental segment ng Eat Bulaga nitong Miyerkoles.

Gayunman, sinabi ni Saviour na bonding nila ni Wendell ang pagwo-workout.

"Pero nagtutulungan kami, every day ako nagwo-workout, sumasabay ako sa kaniya," anang Kapuso actor.

Bukod sa pagiging aktor, gusto rin daw ni Saviour ang maging isang singer.

Katunayan, ini-release ni Saviour ang kaniyang pinakabagong single na "Ibang Iba" ngayong 2022.

"Hobby ko po talaga 'yung paggawa ng song, and I like writing songs. Ang dami ko nang nagawang songs so ngayon, 'yung time na lang 'yung inaayos ko."

"Gusto ko lang talagang maging singer before pa. Sinupport naman ako ni papa and nag-focus din ako sa singing, tapos nakuha ako dito sa GMA. Nauna lang 'yung singing ko kaysa pagiging aktor," dagdag pa niya.

Pumirma ng kontrata si Saviour sa GMA Artist Center Setyembre noong nakaraang taon.

Ikinuwento ni Saviour na hindi alam noong una ni Wendell ang tungkol sa kaniyang pag-aartista, kaya "sinermonan" siya nito.

"Nag-sermon agad sa akin... I mean, nag-sermon doon like 'yung mga dapat na gawin, hindi siya galit... Kung paano maging mabuting artista, and sinabihan akong maging thankful lagi."

"Si Papa kasi sobrang perfectionist po 'yan when it comes to me and my sister. So ayun, sinermonan niya lang po kami in a good way," sabi pa ni Saviour.--FRJ, GMA News