Isa si Benjie Paras sa mga naging basketball star sa PBA. Aniya, mayroon, tatlong klase ng basketbolista na sumisikat. Alamin kung ano-ano ito.

Sa programang "Mars Pa More," tinanong ni Andre Paras ang kaniyang amang si Benjie kung ano ang gusto niyang baguhin sa buhay na nangyari noon.

"Kung may isang desisyon ka in the past na wini-wish mong sana iba ang naging choice mo, ano 'yun?" tanong ng anak niyang si Andre sa amang si Benjie.

"Sana hindi na ako naging basketball player. Kasi ang hirap eh, ang daming chicks!" birong sagot ni Benjie.

"Left and right! 'Yung iba nga titulo ng bahay ang dala eh!" natatawa pa nitong sabi.

Nagtaka naman si Andre dahil siya raw ay walang naging "chicks" gayong maglaro rin siya sa Philippine Basketball Association.

"Teka nga lang, sinong chicks ito? Naging basketball player ako wala naman akong chicks," nagtatakang tanong Andre na nagretiro na sa PBA kamakailan para tutukan naman ang showbiz career.

"Uulitin ko, ilang beses kong sinasabi ito. Tatlo lang ang sumisikat 'pag nagbasketball player," paliwanag ni Benjie sa anak.

"Una, hindi ka guwapo pero ubod ka ng galing, sisikat ka. Pangalawa, guwapo ka pero wala kang talent, 'pag basketball, sisikat ka pa rin!" pagpapatuloy ng komedyante.

Biro pa ni Benjie, nasa pareho siyang kategorya.

"'Yung pangatlo, doon ako. Guwapo at magaling," hirit ni Benjie.

Naging manlalaro si Benjie para sa mga koponang Shell Turbo Chargers at San Miguel Beermen.

Ang anak niya namang si Andre ay naglaro para sa Blackwater team, ngunit kareretiro lamang kamakailan.—FRJ, GMA News