Inihayag ng single mom na si Michelle Madrigal na nakikipag-date na siyang muli ilang buwan makaraan maaprubahan ang dibosiyo nila ng dati niyang mister.
Sa Instagram, nag-post si Michelle ng larawan niya kasama ang isang habang nasa beach sa Canyon Lake sa Texas.
“Him,” simpleng caption ng aktres sa larawan kasama ang hunk Caucasian man.
Ibinahagi ng 33-anyos na aktres ang detalye tungkol sa kaniyang love life ngayon sa isang YouTube vlog.
Ayon kay Michelle, sinimulan nila ang pagbalik sa dating world, apat na buwan matapos na maaprubahan ang diborsiyo nila ni Troy Woolfolk, ang ama ng kaniyang anak.
“I was just trying to see what dating feels like again because you don’t know what you’re doing after being married and becoming a parent,” paliwanag niya.
Wala pang masyadong binabanggit na detalye si Michalle tungkol sa lalaking kasama niya sa beach pero inilarawan niya ang kanilang samahan na, "in a very good place."
"I don’t want to put any label dahil hindi naman importante ‘yun. We have an understanding. I think we’re pretty much on the same page,” dagdag ng aktres.
Gaya niya, dibosiyado ang lalaki at single parent din.
“He’s also divorced, he’s got kids. I think it was just a good, I would say, match sa lifestyle ko and sa lifestyle niya,” sabi ni Michelle.
Agosto 2021 nang ianunsiyo nina Michelle at Troy ang kanilang paghihiwalay. Mayroon silang isang anak na si Anika. — FRJ, GMA News

