Sa pagdiriwang ng singer at artista na si Ice Seguerra ng kanyang ika-35 taon sa show business industry, sinariwa ng dating child star ang una niyang pag-amin sa kaniyang mga magulang na girlfriend at hindi best friend ang babae na pinatulog niya sa bahay.
Sa podcast na "Surprise Guest with Pia Arcangel," sinabi ni Ice na nasa high school siya nang unang malaman ng tatay at nanay niya ang kaniyang gender identity.
Kuwento ni Ice, 2nd year high school siya nang maging girlfriend niya ang isang dalaga na apat na taon ang tanda sa kaniya.
"Noong time na ‘yun, siyempre during those times, that was mid-90’s. So acceptance, so ganun, pa rin acceptance and everything was still very different," aniya.
"I think, I was in 2nd year when I had my first girlfriend. So siyempre, hindi ko alam kung paano sasabihin ito. Parang at that time hindi pa uso ‘yung nag-come out ka na ba, wala pa ‘yung mga ganon," dagdag pa niya.
Sabi ni Ice, iniimbitahan niya ang kaniyang girlfriend sa kanilang bahay para doon matulog. At para hindi sila mabuking sa kanilang relasyon, pinakilala niya ang babae na kaniyang bestfriend.
“Okay naman nung una. Kaso one time, after ng isang gabi, siyempre pagod ka at nakatulog ka. So, ang kama ko kasi doon sa bahay, mayroon akong dalawang single beds kasi my cousin normally she would sleep there too sometimes. So dalawang single bed yun,” aniya.
"So, siyempre kung nasa kabilang kama siya, walang problema. Kaso ang problema nakatulog kami sa parehong kama tapos wala kaming damit," natatawang pahayag pa ni Ice.
Hindi sana sila mabibisto ng kanyang mga magulang pero nakalimutan daw ni Ice na i-lock ang pinto ng kaniyang kuwarto, at may nakakita sa kanila.
"Normally, I would lock my door. Hindi ko alam kung bakit hindi ko na-lock ang door ko noong night na ‘yun. So siyempre nakatulog ako, hindi ko na siya na-lock, nawala na siya totally sa isip ko. Nagising na lang ako bigla na lang ako nakarinig ng super loud bang [sara ng pinto]," patuloy ng singer-actor.
"Alam mo ‘yung sinara ang pinto ng pagkalakas-lakas? So sabi ko, sino yun? Sana-sana yaya namin, kasi kung nanay at tatay ko, hindi ko alam," saad niya.
Matapos ang pangyayari, sinabi ni Ice na bigla na lang siyang hindi pinansin ng kaniyang ama kahit nang ihatid pa siya sa eskuwelahan.
"So ang ruta namin noon was school, ihatid ako ng daddy ko. Tapos bababa si girl somewhere. So nandoon si girl sa kotse at si daddy… biglang hindi na ako pinapansin ng tatay ko. Nakatingin lang sa malayo talaga. Para talagang nasa drama, ang layo talaga ng tingin. Hindi talaga ako pinapansin. Nagpaalam na ako ganyan, pero wala siyang pakialam," ani Ice.
"Tapos pag-uwi ng bahay, ayun sabi ng yaya ko, ‘Aiza pinapatawad ka ni mommy at daddy mo sa kuwarto, mag-usap daw kayo. Alam ko na 'yon. Pagbukas ko ng kuwarto as in patay talaga ang ilaw nila. Ewan ko sa mga magulang ko talaga kailangan may pagka-drama din. May mga pa-moment pa talaga ganyan," masayang pagbabalik-tanaw pa niya.
Sabi ni Ice, ang nanay niya ang nagsalita at nagtanong kung ano nga ba ang real score nila ng babaeng ipinakilala niyang "bestfriend."
Dahil hindi na niya kayang magsinungaling sa kaniyang mga magulang, dito na raw umamin si Ice na girlfriend niya ang dalaga.
"Ang daddy ko, nakaupo siya sa window namin banda. Hindi talaga siya nagsasalita. It was my mom who speak. ‘Ako aiza, alam mong ayaw kong nagsisinungaling ka’, sabi niyang ganon. Kaya tapatin mo ako kapag tinanong kita. Ito bang si girl kaibigan mo ba yan o girlfriend mo?" sambit ng singer-actor.
"Kapag ginanon na ako ng nanay ko, hindi na ako makakahanap ng lusot niyan eh. So inamin ko, ‘girlfriend ko po ‘yun. Sorry po Ma,'" kuwento ni Ice.
Ayon kay Ice, noon pa man ay alam na niya sa sarili na hindi talaga siya isang babae. Naging mahirap din daw para sa kaniya ang naging transition niya bilang isang transgender man, lalo na't malaki ang magiging epekto nito sa kaniyang singing career.--FRJ, GMA News
