Matapos gawin sa Pasig River noong Disyembre 2021 ang kauna-unahang Fluvial Parade of Stars ng Metro Manila Film Festival (MMFF), ibabalik na muli sa kalye ang naturang parada ng mga artista ngayong 2022.

Sa ulat ni Glen Juego ng Super Radyo dzBB nitong Huwebes, sinabing inanunsyo ng Metro Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) na gagawin ang ‘Parade of Stars” para sa 48th Metro Manila Film Festival (MMFF) sa Disyembre 21 sa Quezon City.

Magsisimula ang motorcade parade sa Welcome-Rotonda Quezon Avenue hanggang Quezon Memorial Circle ng 2 p.m.

May haba ang parada ng pitong kilometro at inaasahang tatagal ng lagpas dalawang oras, ayon pa sa ulat.

 

 

Sa naturang parada, makikita ng publiko ang mga artistang may kalahok na pelikula sa MMFF, habang nakasakay sa makukulay na "float."

Kaugnay nito, sinabi ng MMDA na mag-deploy sila ng sapat ng mga tauhan para sa crowd control.

Noong nakaraang taon, ginawa ang kauna-unahang Fluvial Parade of Stars ng MMFF bilang pag-iingat pa rin sa COVID-19 pandemic.

Sa halip na mga truck, mga ferry boat ang nagsilbing mga float ng mga artista noon na inabangan ng mga tao na nasa gilid ng Pasig river.

Ngayong taon, walong pelikula ang kalahok sa MMFF na binubuo ng Deleter, Family Matters, Mamasapano: Now It Can Be Told, My Father, Myself, Nanahimik Ang Gabi, Partners in Crime, Labyu with an Accent, at My Teacher.

Ipalalabas ang mga pelikula sa mga sinehan mula Disyembre 25, 2022 hanggang Enero 7, 2023.

Gaganapin naman ang Gabi ng Parangal sa Disyembre 27 sa New Frontier Theater sa Cubao, Quezon City. --FRJ, GMA Integrated News