Sa kaniyang panayam kay Carla Abellana, hindi naitago ng Kapuso showbiz reporter na si Nelson Canlas, ang emosyon dahil kabilang siya sa mga naapektuhan sa paghihiwalay ng aktres at dating mister nito na si Tom Rodriguez.

Sa podcast na "Updated with Nelson Canlas," naging bukas si Carla na ilahad ang kaniyang damdamin tungkol sa nangyaring hiwalayan nila ni Tom.

Ayon kay Carla, hindi madaling diktahan ang puso kapag may pagbabagong nangyayari sa buhay ng isang tao.

"Sa psychology seryoso 'yon, na talagang maninibago 'yung katawan, 'yung puso, even 'yung brain, na magkakaroon talaga ng changes, because hindi mo naman din puwedeng turuan 'yung katawan mo, mind, your heart na, 'Oops pwede mo na siya[ng] love. Oops wala na delete na.' Parang gano'n. Hindi mo siya matuturuan," sabi ni Carla.

"It's very painful and even traumatic pa nga kung tutuusin kasi ang abrupt, biglaan, hindi siya 'yung medyo dahan-dahan na bawasan 'yung love or gradual, hindi. Talagang biglaan. Even more difficult pa, or even more painful pa," dagdag niya.

Sa bahaging ito ng interview, naging emosyonal si Nelson, na tila naramdaman din ang sakit na pinagdadaanan ni Carla.

"Sorry ah, medyo ako pa 'yung emotional. Kasi, pareho ko kayong kaibigan eh, like... Siguro ngayon lang kasi talaga lumalabas... I've seen you sa simula, tapos sa akin pa kayo nag-announce ng ikakasal kayo. Pareho ko kayong kaibigan eh. Ngayon lang sa akin nag-sink in noong nag-usap tayo about this. Ngayon lang talaga, seriously, ngayon lang talaga nag-sink in sa akin," sabi ni Nelson.

Pag-amin pa ng Kapuso showbiz reporter, maging siya ay in denial sa nangyaring hiwalayan nina Carla at Tom.

"Parang I was in denial for the longest time. And I'm sure a lot of your friends ganoon din," sabi ni Nelson.

Nauunawaan din ni Carla ang pinagdadaanan ng kanilang mga pamilya, malalapit sa buhay at mga kaibigan tungkol sa nangyari sa kaniyang buhay may-asawa.

"Hindi 'yan 'yung kami lang eh. Siyempre it's 'yung circle, 'yung paligid. Masakit 'yon and I acknowledge that, I recognize it. Aware naman ako roon. Nakikita ko naman din and nararamdaman ko 'yon," sabi ni Carla.

"Unfortunately na nangyari, people are also in pain. 'Yung iba sa kanila in denial pa or hindi pa nagsi-sink in. So mahirap 'yon and I don't blame them, naiintindihan ko naman kung bakit like you, nagiging emotional ka, ngayon pa lang nagsi-sink in. Ang hirap kasing paniwalaan," dagdag ng Kapuso actress.

Ibinahagi naman ni Nelson kay Carla ang kaniyang ginawa para maka-move on nang maranasan din niya ang break-up.

"Ako kasi noong dumaan ako sa ganiyang parts, binago ko 'yung bahay ko, inalis ko lahat ng nagpapaapala sa akin," sabi ni Nelson.

Sabi naman ni Carla, "Part talaga 'yun na little by little, ibabalik mo ang mga gamit, magtatanggal, magtatago ka ng mga gamit. Kailangan din, importante 'yun. That's also part of how you process your pain and part ng healing mo." --FRJ, GMA Integrated News