May dapat abangan sa hit Kapuso afternoon series na "Abot-Kamay Na Pangarap" dahil sa unang pagkakataon ay magkakasama sa eksena sina Carmina Villaroel at ang kambal niyang anak na sina Mavy at Cassy.

Sa Chika Minute report ni Lhar Santiago nitong Lunes, sinabing hindi raw maiwasan ng kambal na kabahan sa kanilang guest role sa serye na pinagbibidahan ng kanilang ina na si Carmina at Jillian Ward.

"First time namin na mag-aarte sa harapan ng isa't isa, magpo-portray kami ng role. First time talaga," sabi ni Carmina.

Aminado naman si Cassy na nakakaramdam siya ng hiya sa kaniyang ina dahil sa husay nitong umarte.

Sabi naman ni Mavy, may kasamang na excitement ang nararamdaman niya na maka-eksena ang kaniyang ina.

Kambal din ang magiging role nina Mavy at Cassy sa teleserye. May kondisyon dito ang karakter ni Cassy at si Mavy ang maaaring makatulong sa kaniyang gumaling bilang organ donor.

Bukod sa pagsasama-sama sa serye, may gagawing teleserye si Mavy sa 2023 kasama Kyline Alcantara, habang may indie film naman na gagawin si Cassy.

Tuloy-tuloy din sa 2023 ang TV show nilang "Sarap Di Ba?," ayon kay Carmina. --FRJ, GMA Integrated News