Sa ika-10 taong anibersaryo ng kanilang pagsasama, nagbalik-tanaw si Ice Seguerra kung kailan niya natiyak na si Liza Diño na ang nais niyang makasama nang habambuhay.
"Sampung taon mula nung nagkita tayo ulit para magtanghalian. Sinong mag-aakala na 'yon pala ang simula ng aking habang buhay," bahagi ng caption ni Ice sa ipinost niyang larawan na kasama si Liza sa Instagram.
Ayon sa mang-aawit, sa naturang araw na iyon, batid na niyang hindi na niya kaya pang mawalang muli si Liza.
"Mula noon, alam kong hindi na kita kayang mawala ulit dahil ikaw lang ang gusto kong makita sa tuwing pag gising at ang tanging hahalikan bago matulog. Kamay mo lang ang nais hawakan habang tinatahak ang magulong mundo. Boses mo lamang ang nagpapakalma sa kaluluwang pagod. Ikaw lang," patuloy ni Ice.
Para sa mang-aawit si Lisa na ang nais niyang kapiling sa dulo ng buhay.
"Malayo pa ang daang lalakarin. May mga daang bako-bako, matarik. Maaring madapa, mapagod, at magisip na sumuko pero makakaasa kang hanggat naririto tayo para sa isa't isa, makakarating tayo sa dulo ng buhay na magkahawak kamay," sabi pa ni Ice.
Bago matapos ang madamdaming niyang pagbati kay Lisa, nagpahabol pa si Ice ng birong mensahe.
"Sampung taon na tayong naglalandian!," saad niya. "Happy 10th year to us, mahal kong asawa."
Taong 2013 nang magkabalikan ang dalawa. Isang taon matapos nito (2014), nagpakasal ang dalawa sa US. — FRJ, GMA Integrated News

