Ikinuwento ni Matt Lozano, ang gumaganap bilang si Big Bert sa "Voltes V: Legacy," ang kaniyang naging laban sa depresyon, at kung paano niya muling nahanap ang sarili sa tulong ng musika.

Sa podcast na "Updated with Nelson Canlas," inilahad ni Matt na pumasok na rin siya sa mga audition noon sa pag-aartista, pero tumigil nang mapagtanto niyang hindi niya kailangang gumaya sa isang matinee idol.

"Ang tagal ko po na magpapayat, kailangan guwapings, kailangan fit na fit ako para 'pag nag-audition, 'yung ibang kalaban ko sa audition mas mag-shine ako. Buong youth ko po ganoon ako. Kaya ako huminto rin noong time na 'yun kasi doon ko na-realize na, bakit parang palagi ko na lang kailangan i-please 'yung mga tao para lang makuha nila ako?"

Gayunman, dito na rin nagsimula na dumagdag ang kaniyang timbang.

"Na-depressed ako na, 'Hindi naman ako pumapayat eh, ano ang gagawin ko?' Doon na ako nag-start na mag-focus sa music ko and nag-stop ako sa pag-acting," sabi ni Matt.

Pero dumating ang mga pagkakataong tila hindi niya nakilala ang kaniyang sarili at napunta sa "darkest" na yugto ng kaniyang buhay.

"Dumating ako sa point na ayoko na ng lahat. Nawalan ako ng gana, ayoko nang maggitara, ayokong magsulat ng kanta, ayokong umarte. Wala akong gustong ibang gawin. Give up na."

“Nagulat na lang ako one time na parang gusto ko na sanang tapusin. Nagda-drive ako 100 kilometers per hour sa isang maliit na road and sabi ko, 'Okay na ako. Tapos na. Ito na 'yon. Wala na tayong problema,'” pagpapatuloy ni Matt.

Sa kaniyang pagmamaneho, naalala ni Matt na may isang simbahan sa kaniyang dinadaanan, at doon siya nagpunta.

"Nagdasal ako hanggang makatulog ako. Pagkagising ko sabi ko 'Ano ang ginagawa ko sa buhay ko?'"

"I can sing, I can write. Doon ako nag-start na bumangon, ibangon 'yung sarili ko through music,” sabi niya.

Hanggang sa makagawa si Matt ng kanta tungkol sa kaniyang depresyon, ngunit hindi pa niya ito nailalabas.

"Ang laking tulong din talaga ng music sa akin, 'Yun 'yung nagpabangon sa akin, hanggang sa ayan, nabigyan ako ng opportunity na ganito with Voltes V. Sobrang thankful ako na nagkaroon ako ng ganoong experience and mas lumakas ako ngayon."

Malaki aniya ang pasasalamat ni Matt. "Kung hindi ko na-experience 'yung time din na 'yon, hindi ako magiging ganito ka-strong na personality.”

"Hindi mo dapat wakasan ang buhay mo dahil marami pang better na nakalaan sa future mo."

Sa mga nagnanais na may makausap, maaaring tumawag sa National Center for Mental Health hotline 1553  o sa mga numerong 09178998727, 09663514518, at 09086392672.

—LBG, GMA Integrated News