Ibinunyag ni Mikee Quintos na pangarap ng kaniyang nobyong si Paul Salas na pumasok sa politika.
Sa Surprise Guest with Pia Arcangel, inilahad ni Mikee na mga lawyer at doktor ang propesyon ng mga miyembro ng kaniyang pamilya, at siya lang nag-iisang taga-showbiz.
Dating mga konsehal at konsehala sa Maynila ang kaniyang mga magulang na sina Eduardo Quintos XIV at Jocelyn Quintos.
Naging "ritwal" na raw ng kanilang pamilya ang pangangampanya.
May mga pagkakataong inayawan ni Mikee ang pagsama sa mga kampanya dahil siya ang natatanging artista sa pamilya na marunong kumanta at sumayaw.
"Isa 'yun sa mga mabigat kong bubog, drama ko 'yun sa magulang ko," anang Kapuso actress.
"Until I realized na nitong huling eleksyon na 'yung ate ko na ang tatakbo, na imbes na i-hate ko siya, I should see it as a blessing na ako 'yung kinukulit."
Binago ni Mikee ang kaniyang pag-iisip at naging maluwag sa kaniya ang pagsuporta sa kaniyang pamilya.
"My mom actually told me that and one of my sisters na, 'Mikee ikaw 'yung kumakanta eh, ikaw 'yung may talent eh.' Sabi ko oo nga, minsan 'yung talent na 'yon it is a blessing and because of the pressure nakakalimutan kong blessing."
Dahil dito, natanong si Mikee kung plano niya ring pumasok sa politika.
"Parang hindi po para sa akin eh. Hindi ko nafi-feel na... Mas nag-e-enjoy po ako sa acting," sabi ni Mikee.
"Andito ako to help and to support my family. Pero kung ako mismo 'yung nakaupo, hindi na. Hindi ko nakikita na ako 'yung nakaupo," dagdag niya.
"Nafi-feel ko naman 'yung tulong na nagagawa ko naman ng ganito na hindi ako 'yung nasa posisyon. Happy lang po ako dito."
Gayunman, ikinuwento ni Mikee na si Paul ang may interes na pumasok sa politika.
"Siya, he's into it. Gusto niyang tumakbo someday. Pangarap niya 'yan someday," anang dalaga tungkol sa kaniyang nobyo.
"Medyo dini-discourage ko siya minsan dahil alam ko 'yung stress nu'n. Pero bakit ko naman siya pipigilan? If his heart really wants to help people, andito din naman ako to support that," dagdag ni Mikee. — DVM, GMA Integrated News
