Inihayag ni Sunshine Cruz na may pagkakataon na pinagsisihan niya ang pagpapa-sexy niya noon sa mga pelikula, lalo pa't nakaapekto ito sa relasyon nila ng dati niyang asawa na si Cesar Montano, at nadadamay pa ang kaniyang mga anak.

"There was a time na ni-regret ko 'yon, especially naging malaking parte 'yon ng aming separation ng aking ex-husband," sabi ni Sunshine sa "Fast Talk with Boy Abunda" nitong Huwebes.

"[Pero] At the end of the day, mas naging stronger ako, mas natuto ako. Ang ginawa ko lang Tito Boy, ay mas pinatunayan ko sa mga tao na hindi lang ako sexy star or bold star. I can also be a singer, I can be an actress and most especially I am a good mom," anang aktres.

"I know that for a fact lahat naman tayo nagkakamali, nagkakaroon ng maling desisyon noong mga bata pa tayo. Pero ang importante ay kung ano tayo ngayon," dagdag pa niya.

Dahil sa nakaraan ni Sunshine, may mga tao na hindi maiwasan na ungkatin ito, at i-tag pa ang kaniyang mga anak.

"Before of course I get affected kasi 'yung mga bata hindi dapat nadadamay. Pero ngayon naisip ko ang importante, kung sino ang talagang mga nakakakilala sa akin, naiintindihan ako at mahal ako. 'Yung mga tao na nagsasabi na hindi maganda tungkol sa akin, bold star, sexy star, it doesn't matter anymore," patuloy niya.

Hinintay ni Sunshine ang pagkakataon na maging handa na ang kaniyang mga anak at maiintindihan na siya.

"Hangga't maaari kasi gusto ko sa akin manggagaling, hindi sa ibang tao," saad niya.

Sa pagtatapos ng programa, ipinaharap ni Tito Boy si Sunshine sa isang salamin at hiningian ito ng mensahe sa sarili.

"Sunshine I'm so sorry kung sobra sobra kang magmahal sa tao. And thank you kasi nagmahal ka man nang buong buo, alam ko na nabe-blessed at nakikita ng Diyos kung ano ang totoong nasa puso mo," mensahe ni Sunshine sa kaniyang sarili.-- FRJ, GMA Integrated News