Nakatanggap ng awards sina Barbie Forteza, David Licauco at Andrea Torres mula sa Platinum Stallion National Media Awards dahil sa mahusay nilang pagganap sa kanilang mga role sa “Maria Clara at Ibarra.”

Kinikilala ng naturang national media awards, na inorganisa ng Trinity University of Asia, ang “continuing efforts of individuals and groups in educating the public through the media and allied arts.”

Inanunsyo na ang mga nagwagi noong Enero, ngunit sa seremonya ngayong linggo natanggap ng awardees ang kanilang mga trophy.

Wagi bilang Best Actress si Barbie, na pinasalamatan ang mga guro at estudyante ng unibersidad “for recognizing our program and for appreciating my work.”

“Thank you, @gmanetwork & @sparklegmaartistcenter for entrusting me to play the role of Maria Clara ‘Klay’ Infantes. I will forever be grateful,” dagdag ni Barbie.

 

 

Wagi rin si “Pambansang Ginoo” na si David bilang Best Actor in a Supporting Role. Nag-post siya ng selfie sa kaniyang Facebook kasama si Barbie at pareho nilang hawak ang kanilang awards.

“Appreciate all of you,” sabi ni David.

Panalo naman si Andrea bilang Best Actress in a Supporting Role sa magaling niyang pagganap kay Sisa. Sa kaniyang Instagram post, sinabi niyang siya ay “over the moon!”

Pinasalamatan ni Andrea ang kaniyang co-actors, production team, GMA Network, Sparkle, at ang kaniyang pamilya, “who is always there to give me with the best kind of love and support in both trials and victories.”

 

Extended ang “Maria Clara at Ibarra,” na nauna nang inanunsyo na magtatapos na sana ngayong linggo.--FRJ, GMA Integrated News