Inilahad ni Paul Salas na wala na siyang sama ng loob sa dati niyang kasintahan na si Barbie Imperial, ngunit pinabulaanan ang mga impormasyong sumagad umano siya sa kaniyang mga limitasyon.

“How far did you go in that past relationship? Inakusahan ka ng maraming bagay,” tanong ni Tito Boy kay Paul sa “Fast Talk With Boy Abunda” nitong Huwebes.

“Actually aaminin ko po, ngayon lang po nawala ‘yung pagiging bitter ko sa kaniya. Kasi noong time na ‘yun hindi ko matanggap Tito Boy na, ilabas ‘yung mga ganu’ng news about me na matagal ko nang sinasabi na hindi naman talaga totoo,” sagot ni Paul.

Sa naturang episode, nagkuwento si Paul na nagkaroon siya ng mga trauma noong bata matapos maghiwalay ang kaniyang mga magulang. Nakaapekto ito sa kaniyang pakikipagrelasyon sa kaniyang mga dating nobya.

“Dumaan po sa akin ‘yung trauma na, ‘yung ‘pag iniiwan ng ka-relationship, like sa girlfriend noon. Hindi ko po alam ‘yun hanggang sa makilala ko ito (Mikee Quintos). At parang siya pa ‘yung nakakita noon sa akin,” sabi ni Paul.

Tinanong din ni Tito Boy kung paano hinarap ni Paul ang pagsubok na kaniyang pinagdaanan sa kaniyang relasyon noon kay Barbie.

“Kaya rin po Tito Boy naging toxic dahil meron po ako sa sarili kong, nandoon na ‘yung trust issues ko, nandoon na ‘yung tamang hinala ko. Aminado po ako sa sarili ko, sobra pa ako sa seloso. Kasi feeling ko kaunting time lang na may makausap lang na ibang lalaking kaibigan ‘yung nagiging karelasyon ko, feeling ko lolokohin na ako.”

Ngunit nang kumustahin ng King of Talk kung mabuti na ang kalagayan ni Paul ngayon matapos ang nakaraan niyang relasyon, sumagot ang Kapuso actor na “I’m okay now.” —VBL, GMA Integrated News