Inihayag ni Jasmine Curtis-Smith na isa sa kaniyang mga natutunan niya mula sa kaniyang ate na si Anne Curtis ang “art of deadma,” na nagagamit niya kapag nakakabasa ng mga negatibong komento mula sa bashers o mga taong ayaw sa kaniya.
Sa “Fast Talk with Boy Abunda” nitong Martes, inilahad ni Jasmine na naaapektuhan din siya kapag nakakabasa ng negatibong puna sa kaniya.
“I care Tito Boy. I think mahirap sabihin na hindi or magpaka-strong to say na I don’t care, I don’t give it any notice. Itong last 10 years, ‘yung evolution ng social media, gaano natin siya ginagamit sa trabaho, mahirap iwasan na hindi mabasa ‘yung comments na hindi mo gusto, hindi ka gusto,” sabi ni Jasmine.
“Kailangan mo lang din intindihin [na] these are personal opinions, and I have my personal opinions about people. Minsan ayoko rin sa ibang tao pero hindi ko lang natu-tweet. Pero sa akin, umaabot ‘yung mga ibang tao,” pagpapatuloy niya.
Sinabi ni Jasmine na ang kapatid niyang si Anne ang nagpayo sa kaniya ng “art of deadma,” na mahirap daw matutunan lalo na sa katulad niyang sensitibong tao.
“Learn to brush it off. Palaging sabi ni ate noon, art of deadma, which is not very easy to learn lalo na kung sensitive kang tao, pero it’s a muscle na kailangan mo lang i-exercise every day especially kapag nabasa mo na ‘yung ayaw mong mabasa and na-rattle ka na about it. Kasi mahirap ding pigilan na na-hurt ka or apektado ka,” saad ng Kapuso actress.
Bukod sa art of deadma, natutunan din ni Jasmine mula kay Anne na huwag gawin ang isang bagay kung labag ito sa puso.
“Kapag hindi buong puso, huwag mo nang gawin. Kasi mahahalata eh, makikita nang tao ‘yon. That goes for work, for relationships, friendships, anything, all across the board ‘yun,” paliwanag niya.
“Kahit simpleng bagay. Bibili ka ng t-shirt, hindi buo ang puso mo na bilhin ‘yan. Huwag na. Maybe ang ibig sabihin no’n you’re saving your finances for something better for you in the future,” dagdag ni Jasmine.-- FRJ, GMA Integrated News
