Sinabi ni Manilyn Reynes na may ilang batang artista ang hindi naiintindihan ang kahalagahan na dumating nang maaga sa taping, na pagpapakita ng respeto sa oras ng ibang tao.

Sa Fast Talk with Boy Abunda nitong Miyerkoles, binalikan ni Mane ang dahilan kung bakit siya nagtagal ng 40 taon sa showbiz.

“Unang una, siguro dahil binigyan tayo ng talent na kailangan nating i-share. Nagtagal dahil, hindi ako nagbubuhat ng bangko, I’m sorry pero napaka-professional ko po Tito Boy, and you all know that,” sabi ng aktres.

“Kapag meron akong kailangang gawin sa trabaho ko, ginagawa ko talaga and more kung puwede ko pang gawing more,” dagdag ni Manilyn.

Bukod dito, nirerespeto niya rin ang oras ng ibang tao.

“Napaka-punctual ko po. Totoo po ‘yan. Para sa akin kasi lahat tayo may kaniya-kaniyang buhay, may kaniya-kaniya tayong pamilya. Ano ba naman ‘yung maaga tayong lahat dumating, matapos tayo nang maaga, eh ‘di masaya. Makauwi tayo sa family natin nang maayos at masaya lahat, hindi ba?,” paliwanag niya.

Tinanong ni Tito Boy si Manilyn kung isa itong katangian na naiintindihan din ng mga batang artista ngayon.

“Hindi po,” natatawang sabi ni Manilyn. “I’m sorry to say. It’s sad, really.”

Ayon kay Mane, kung halimbawang 7 a.m. o 8 a.m. ang call time, umaalis na siya ng bahay ng mga 4 a.m. o 5 a.m. pa lamang.

“Hindi baleng mapaaga ako, basta nandoon na ako sa area,” saad niya.

“Pero ‘yung kapag nasa eksena ka na, sana hindi na nag-i-script. Dapat alam mo na ang gagawin,” paliwanag niya.

Ngunit may mga karanasan si Manilyn na naghintay daw siya ng tatlo hanggang apat na oras dahil sa mga late umanong artista.

Gayunman, hindi raw si Manilyn ang tipo ng tao na pinagsasabihan ang ibang tao.

“Tito Boy hindi ako confrontational talaga ever since, alam mo ‘yan. Minsan nga nagsasabi ka na sa akin noon na ‘Sabihin mo.’ Ayoko po kasi ayoko ring makasakit, ayoko naman sabihin na ‘Nagmamarunong naman ito,’” saad ng “Pepito Manaloto: Tuloy Ang Kuwento” star.

Pakiusap ni Manilyn sa kaniyang mga nakakatrabaho: “Sana dahil pareho tayo na nandito sa trabahong ito, sana respetuhan din tayo, sa oras ng lahat, ng isa’t isa.”

--FRJ, GMA Integrated News