Sa nakaraang panayam ng “Fast Talk with Boy Abunda,” sinabi ni Gabbi Garcia na nagpaalam siya kay Julia Barretto, ex-girl friend ni Joshua Garcia dahil may intimate scenes sila ng aktor sa "Unbreak My Heart.” Pero si Joshua, nagpaalam naman kay sa nobyo ni Gabbi na si  Khalil Ramos?

Sa episode ng naturang talk show ni Tito Boy nitong Huwebes, sinabi ni Joshua na hindi niya kinausap si Khalil.

“Hindi ako nakapag-reach out sa kaniya or kinausap ko siya. Pero I sent gifts for them noong Christmas,” sabi ni Joshua.

“Tsaka mag-friends naman kami ni Khalil. And then palagi kong tinatanong si Gabbi, ‘Kumusta kay Khalil ‘yung ganitong eksena? Okay ba sa kaniya?’” paglalahad pa ni Joshua.

Ayon kay Joshua, walang isyu ang magkasintahang sina Gabbi at Khalil pagdating sa paggawa ng kaniya-kaniyang kissing o intimate scenes, kaya hindi niya na rin ito naging problema nang makaeksena ang aktres.

“Sabi niya (Gabbi) ‘Okay lang, wala naman siyang…’ Hindi kasi sila nagpapakialamang dalawa. Kung ano ‘yung work, work lang,” sabi ni Joshua.

“Tsaka professionally naman namin ginawa ‘yung kung ano ang ginawa namin doon,” pagpapatuloy pa ng aktor.

Matatandaan na nang mag-guest si Gabbi sa “Fast Talk with Boy Abunda,” ikinuwento ng aktres na natawa lang si Julia nang magpaalam siya tungkol sa kanilang intimate scenes ni Joshua.     

Ang “Unbreak My Heart” ay ang historical collaboration ng GMA Network, ABS-CBN, and Viu Philippines.

Sa naturang romantic drama series, ipinakilala si Rose, ginagampanan ni Jodi Sta. Maria, na lumipad pa-Switzerland para hanapin ang kaniyang anak na si Sandra.

Si Gabbi naman ay si Alex, na tinanggihan ng kaniyang boyfriend matapos mag-propose ng kasal.

Pareho nilang matatagpuan ang karakter ni Joshua Garcia, na nakararanas ng mga isyu sa pamilya at pera.

Ang karakter naman ni Richard Yap ay bahagi ng nakaraan ni Rose.

Kasama sa cast sina Eula Valdez, Sunshine Cruz, Laurice Guillen, Jeremiah Lisbo, Will Ashley at Maey Bautista. -- FRJ, GMA Integrated News