Inihayag ni Joshua Garcia na "ok" sila ng dati niyang nobya na si Julia Barretto nang kumustahin sa "Fast Talk with Boy Abunda" ang kanilang ugnayan. Payag kaya si Joshua na makatrabahong muli ang aktres?

"OK naman kami, Tito Boy," tugon ni Joshua sa episode ng naturang talk show nitong Huwebes.

Nabanggit ang pangalan ni Julia sa naturang panayam nang balikan ni Tito Boy ang nauna niyang panayam kay Gabbi Garcia, na kasama ni Joshua sa upcoming drama series na "Unbreak My Heart."

Sa naturang serye, may intimate scenes sina Gabbi at Joshua.

Ayon kay Gabbi, tinawagan niya si Julia para magpaalam. (READ: Gabbi, ikinuwento ang reaksyon ni Julia nang magpaalam siya na makakatrabaho niya si Joshua)

Sinabi ni Joshua, na napanood niya ang naturang panayam. Pero kung nagpaalam si Gabbi kay Julia, sinabi ni Joshua na hindi siya nagpaalam sa nobyo ni Gabbi na si Khalil Ramos.

READ: Joshua Garcia, nagpaalam kaya kay Khalil Ramos sa kissing scene nila ni Gabbi Garcia?

Pero papayag kaya si Joshua na makatrabaho si Julia? Ayon sa aktor, sinasabi niya sa kanilang mga boss na walang problema sa kaniya na makatrabaho ang kaniyang dating nobya.

“Yes, sinasabi ko sa mga bossing namin ‘yun,” ayon sa aktor.

Kasama sa "Unbreak My Heart" sina Jodi Sta. Maria at Richard Yap, at mapapanood na simula sa May 29 sa GMA Telebabad, Pinoy Hits, at I Heart Movies.-- FRJ, GMA Integrated News