Sinabi ni Andrea Torres na walang naging problema at walang naging ilangan sa kanila ng kaniyang ex-boyfriend na si Sef Cadayona nang maging magkatrabaho sila. Handa rin kaya siyang maging kaibigan ang ibang naging dating karelasyon?
Sa episode ng "Fast Talk with Boy Abunda" nitong Huwebes, sinabing magkasama sina Andrea at Sef sa “Love Before Sunrise,” na kinabibilangan din nina Dennis Trillo at Bea Alonzo.
"Sobrang normal lang kami," paglalarawan ni Andrea sa working relationship nila ni Sef.
“Actually, Tito Boy, wala po kami gaanong eksena dito,” anang aktres. “Parang dalawa pa lang yata. Pero in ‘Bubble Gang,’ Tito Boy, mas nakaka-work ko siya dun regularly.”
Ayon kay Andrea, wala naman silang problema ni Sef at parang ibang tao pa ang gumagawa ng isyu tungkol sa kanila.
Sinabi rin ng aktres na karamihan sa kaniyang mga naging dating karelasyon ay naging kaibigan niya.
“Actually, Tito Boy, most of my exes, okay naman po kami,” ani Andrea na nilinaw na hindi lahat.
Gayunman, sinabi ni Andrea na "ideally" ay nais niyang maging kaibigan ang kaniyang mga naging dating nobyo.
"Kasi may pinagsamahan naman po kayo," ayon sa aktres. "Hindi naman ako naniniwala na dahil hindi kayo nag-worked out [sa relasyon] kailangan magkagalit na kayo. Kasi may time sa buhay ninyo na prinotektahan niyo ang isa't isa, minahal niyo ang isa't isa, pati yung mga family ninyo."
Huling na-link kay Andrea si Derek Ramsay na asawa na ngayon ni Ellen Adarna.-- FRJ, GMA Integrated News
