Tatlo pang reklamo ang inihain sa Makati City Prosecutor’s Office laban kay Awra Briguela kaugnay sa kinasangkutan nitong gulo sa isang bar sa Poblacion noong Hunyo.

“We are filing, in fact we already filed, three additional cases against Awra Briguela,” sabi ni Atty. Nick Nangit, ang abogado ng complainant na si Mark Christian Ravana.

Ang mga reklamo ay paglabag umano ni Awra sa Article 283 (light threats) sa ilalim ng Revised Penal Code, paglabag sa Article 286 (Grave Coercion) sa ilalim ng RPC, at paglabag sa Violation of Section 11(c) in relation to Section 11(a) of the Safe Space Act.

“You know the CCTV, kumakalat ‘yan di ba'?, so hinahawak-hawak siya, so there’s a violation of the private space,” paliwanag ni Nangit sa ambush interview.

“And then the second, pinasarado niya ‘yung pintuan ng third floor, hindi puwedeng bumababa because hindi siya naghuhubad. So, that is already life threats. And then the third, nung hinila siya pabalik, nahulog sila pareho, grave coercion,” dagdag ng abogado.

Naniniwala si Nangit na mayroon silang “very strong case” laban kay Awra.

Samantala, itinanggi ni Ravana ang mga lumabas sa social media that na nagkaroon na sila ng pagkakasundo ni Awra sa kaso.

“Hindi po totoo yun na nag-kaayos kami. Wala pong lumapit sa akin,” 'paglilinaw ni Ravana. Gayunman, sinabi niya na bukas siya sa posibleng kasunduan.

“Willing naman po kami pero sa ngayon na parang kami pa po yun... kami na nga po yung biktima, kami pa po yung talagang na dedehado dito sa pangyayaring ito,” giit niya.

Nahaharap din si Awra sa reklamong slight physical injuries at simple disobedience to a person in authority.

Noong nakaraang Hunyo nang lumabas sa social media ang video sa kinasangkutan ni Awra at mga nagrereklamo sa labas ng bar.

Inaresto ng mga awtoridad si Awra at pinalaya nang makapagpiyansa na.

Itinanggi ng isa sa mga bouncer ng club na may nangyaring sexual harassment kaya ipinagtanggol umano ni Awra ang kaniyang mga kasama.

Ayon kay Ravana, gusto umano ni Awra na maghubad siya ng pang-ibaba, matapos siyang maghubad ng damit habang nasa loob ng bar at nakakatuwaan.

“Ginawa ko yun kasi dahil nga pinaghuhubad niya ko para nga makalabas ako. Tsaka inanuhan na rin ako ng kaibigan ko na sige na, maghubad ka na pare para makalabas na tayo,” saad ni Ravana.

“So naghubad ako ng pangtaas 'ko. And hindi naman niya nagustuhan kasi ayaw niya lang yung pangtaas ko hubarin ko, gusto pati yung pants ko,” dagdag niya.—FRJ, GMA Integrated News