Sa kabila ng kaniyang husay sa pag-arte at mga natatamasang tagumpay, inihayag ni Alessandra De Rossi na hindi niya nakikita na nakagawa na siya ng malaking pangalan sa showbiz.
"Never akong nag-pray for anything that I have right now. Kaya nga nasha-shock pa rin ako kapag may mga dumarating tapos lahat, 'Alex, celebrated ka rin!' 'Ah talaga ba?' Ganoon ako," sabi ni Alex sa Fast Talk with Boy Abunda nitong Huwebes.
"Hindi ko siya nafi-feel na malaki na pala siya," pagpapatuloy niya.
Inalala ni Alex ang isang usapan nila ni Piolo Pascual, na nakatrabaho niya sa pelikulang "My Amanda" noong 2021.
"Sabi niya 'Nai-imagine mo ba ever na magiging ganiyan ang buhay mo, ayon sa lahat ng choices mo?'" kuwento niya. "Kasi alam niya na it was hard for me dahil marami akong mga, alam mo 'yun, tawag nila 'arte.' Ang tawag ko eh, 'yun lang ang gusto kong gawin."
Katunayan, nakaranas pa noon si Alex ng rejection nang una siyang mag-audition sa GMA.
"Tinanong ako kung bakit gusto kong mag-artista," pag-alala ni Alex, ngunit ang kaniya lamang isinagot ay "Hindi ko alam."
Paliwanag ni Alex, ito ang kaniyang sagot dahil sa haba ng kaniyang pinagdaanan para makapasok sa showbiz.
Sa ngayon, gusto ni Alex na maging isang direktor.
"Gustong kong pumunta sa behind the camera. Lalo na minsan kapag nakikita ko 'yung mukha ko 'Talaga ba 'yan na 'yung hitsura ko sa camera?' The camera is so unforgiving," sabi niya.
"Papunta sa likod, 'yung walang pressure to, 'yung celebrity, napapagod ako sa pagiging celebrity."
"Ang laki-laki mong pangalan para sa amin. Do you realize that?" tanong ni Tito Boy.
"Hindi," sabi ni Alex. "I'm just one of them." —Jamil Santos/LDF, GMA Integrated News
