Nagsalita na ang aktres na si Ivana Alawi kaugnay sa mga bali-balitang karelasyon siya ng isang politikong may pamilya na.

Sa kaniyang Facebook post, nilinaw ni Ivana na hindi siya girlfriend ni Bacolod City Mayor Albee Benitez, ama ng actor-politician na si Javi Benitez, na nobyo ni Sue Ramirez.

“I tried to stay quiet at dumedma na lang dahil sa paniniwala ko na hindi ako dapat magsalita lalo kapag alam ko na wala akong ginagawang masama,” saad ni Ivana sa post.

“But because of the false accusations and hurtful words that are being thrown [at] my Mom and Mona, kinailangan ko nang linawin ang mga bagay,” dagdag ng aktres.

Paliwanag ni Ivana, nakilala niya ang nakatatandang Benitez nang magtungo siya sa Bacolod para sa isang trabaho.

"He was very accommodating and friendly. At hindi lang sya ang politikong nakilala ko at naging kaibigan," paglilinaw niya.

Ayon kay Ivana, isang negosyante ang nagpapasaya sa kaniya ngayon.

"I am currently seeing someone who makes me happy. All I can say is that he is a respectable businessman and not a Politician," sabi pa ng actress-vlogger.

Umaasa ang dalaga na mabibigyang linaw na ang isyu at ito umano ang "first and last time" tungkol sa nasabing isyu. -- FRJ, GMA Integrated News