Inamin ni Rica Peralejo na naging nobyo niya noon ang dati niyang ka-loveteam na si Red Sternberg, ngunit tumagal lamang ito ng isang araw.

“Naging kayo ba ni Red?” tanong ni Tito Boy kay Rica sa “Fast Talk with Boy Abunda.”

“Yeah, for a day,” natatawang pag-amin ng actress-TV host.

Ayon kay Rica, naramdaman niyang may pagtutol ang kaniyang pamilya sa relasyon niya kay Red.

"Siguro kasi ang bata ko pa nga, duda ko lang, they felt Red was already a bit mature for me ta’s ako sobrang bata," saad niya.

"So parang natakot ako. The next day binawi ko," ani Rica.

Inamin ni Rica na nakaramdam din siya noon ng hiya sa sarili.

"As in ako din, 'Nakakahiya, ba't ka pa umoo, binawi mo lang din?'"

Tinanong ni Tito Boy kung ano ang naging reaksyon ni Red sa pagbawi ni Rica.

“Siyempre, nagalit siya!” natatawa niyang sagot.

Ngayong matatanda na sila, sinabi ni Rica na pinagtatawanan na lamang nila ito ni Red.

"Whenever I go back to that memory, I’m like, sobrang nakakainis, kung ako 'yung lalaki parang, 'Ano ka ba, make up your mind,'" sabi niya.

Sa ngayon, may komunikasyon pa rin sina Rica at Red sa group chat ng "T.G.I.S." cast.

Napangasawa ni Rica si Joseph Bonifacio, isang pastor, at may dalawa silang anak. — Jamil Santos/RSJ, GMA Integrated News