Tatakbong kongresista sa ika-apat na distrito sa Camarines Sur sa Eleksyon 2025 ang aktor na si Marco Gumabao.
Sa Instagram, nag-post ang aktor ng ilang larawan nang maghain siya ng certificate of candidacy (COC) sa Ka Fuerte Sports Complex sa Pili, Camarines Sur.
Kasama niya sa larawan ang kaniyang nobya na si Cristine Reyes.
“Today marks a new journey. Para sa’kin, simula ‘to ng isang malaking yugto sa aking buhay. Panibagong simula na sigurado ako makakagawa ng malaking epekto hindi lang para sa sarili ko, kundi sa buong 4th district ng CamSur,” saad ni Marco sa caption.
“Buo ang loob ko na lumaban para sa pagbabagong matagal nang inaasam, pagbabagong matagal na dapat pinaramdam sa partido,” dagdag pa niya.
Kasama si Marco sa Team One CamSur ng National Unity Party, na binubuo nina Fifth District Representative Miguel Luis ""Migz" Villafuerte, Governor Luigi Villafuerte, Second District Representative Luis Raymund "LRay" Villafuerte, Vice Governor Sal Fortuno Jr., at Nonoy Magtuto.
Ngayong Martes, Oktubre 1, sinimulan ng Commission on Elections (Comelec) ang isang linggong paghahain ng COCs sa 2025 national and local elections (NLE) na gaganapin sa May 2025.
Kabilang sa 18,000 posisyon na paglalabanan ay ang puwesto para sa 12 senador, mga kongresista, gobernador, mga alkalde, at iba pang lokal na posisyon.-- FRJ, GMA Integrated News