Isinilang na ng Chika Minute host na si Iya Villania kaninang umaga ng Martes ang ika-limang anak nila ni Drew Arellano.

Sa social media, nag-post si Drew ng larawan ng bagong miyembro ng kanilang lumalaking pamilya.

Nakasaad sa caption nito ang pangalan ng bago nilang baby na si Anya Love Villania-Arellano, at petsa ng kapanganakan na February 11, 2025, pati ang oras: 10:52am.

Dinagsa ng likes at pagbati ang naturang post mula sa kanilang followers at kapuwa celebrities gaya nina Carla Abellana, Saab Magalona, Bea Fabregas, Shaira Diaz, at iba pa.

 

 

Sa pagdating ni Anya Love, dalawa na ang babaeng anak nina Iya at Drew, at tatlo naman ang lalaki.

Noong Setyembre 2024 nang ibalita ng mag-asawa ang tungkol sa paparating nilang baby na hindi "planado."

Ikinasal sina Iya at Drew noong 2014, na ang naunang apat na anak ay sina Primo, Leon, Alana, at Astro. — FRJ, GMA Integrated News