Binalikan ni Camille Prats ang isang espesyal na sandali sa kanila ng kaniyang stepson na si Ice, nang tawagin na rin siya nitong “mom” sa unang pagkakataon.

Sa episode ng Fast Talk with Boy Abunda nitong Huwebes, sinabing nangyari itong noong Mother’s Day, nang gumawa ng sulat si Ice na may dalawang pahina.

"Medyo kinabahan din ako na parang ang dami naman niyang sinabi. But at the end of that message, ang sabi niya, 'Hindi ko alam kung bakit hindi pa rin kita tinatawag na mommy when all this time, you have always treated me as someone who is your own,'" pag-alala ni Camille.

"Happy Mother's Day, mom,” pagbati sa kaniya ni Ice sa sulat nito.

"It's really very special to me, even up to this day. Kasi ang pagiging ina, 'yung siguro kung meron man na-reveal sa akin, is that madaling magmahal ng sarili mong dugo. Pero 'yung mahalin ka ng batang hindi nanggaling sa iyo, walang kapantay 'yong pagmamahal at 'yong saya na naibibigay niya," anang actres-host.

Si Ice ay anak ni VJ Yambao, asawa ni Camille, sa naunang relasyon.

May anak si Camille na si Nathan kay Anthony Linsangan, na pumanaw noong 2011 dahil sa sakit.

May dalawa namang anak sina Camille at VJ na sina Nala at Nolan.

Muling mapapanood si Camille sa pinakabagong GMA Afternoon Prime series na "Mommy Dearest," na pinagbibidahan din nina Shayne Sava at Katrina Halili. -- FRJ, GMA Integrated News