Nagbigay ng madamdaming pagpupugay si Janine Gutierrez para sa kaniyang yumaong lola na si Nora Aunor, na pumanaw nitong Miyerkules.

Sa kaniyang post, ibinahagi ni Janine ang black and white na larawan ng kaniyang Mama Guy, at isang lumang larawan ng Superstar kasama siya at ang tatlo niyang kapatid na sina Jessica, Diego, at Maxine.

"With sorrowful hearts, we share the passing of our grandmother, Mama Guy. A treasure to our family but truly always more to the people than ours," saad ni Janine sa caption.

"She had a life of giving her immeasurable love to everyone she touched whether on screen, through music, or in person," patuloy niya.

Nagpahayag din siya ng kaniyang taos-pusong pasasalamat para sa nag-uumapaw na pagmamahal at suporta na ipinakita ng publiko sa oras ng kanilang pagsubok, at humingi ng patuloy na panalangin para sa kanilang pamilya.

"We find comfort in knowing she, the one and only Superstar, will be forever loved," sabi ni Janine.

Pumanaw si Nora nitong Miyerkoles sa edad na 71. Inanunsyo ito ng kaniyang anak na si Ian De Leon sa Facebook.

Nito lang nakaraang linggo, pumanaw din ang lola ni Janine na si Pilita Corrales, 87-anyos, na ina ng kaniyang ama na si Ramon Christopher Gutierrez.

Samantala, kasunod ng pagpanaw ni Nora, bumuhos sa social media ang pakikiramay at pagpupugay mula sa mga Filipino celebrity tulad nina Vilma Santos at Dingdong Dantes, at iba pa.

Tinaguriang "Superstar," kinilala si Nora bilang National Artist for Film and Broadcast Arts noong 2022. Nakilala siya sa kaniyang mga iconic role sa mga pelikulang "Himala," "Bona," at "Minsa'y Isang Gamu-gamo."

Kabilang sa mga huli niyang pelikula ang "Mananambal," kung saan nakasama niya si Bianca Umali, at "Pieta," kung saan nakasama niya si Alfred Vargas.

Noong nakaraang taon, napanood din siya sa GMA Afternoon Prime series na "Lilet Matias: Attorney-at-Law," na pinagbibidahan ni Jo Berry. Dati na rin silang nagkatrabaho sa 2018 Kapuso series na "Onanay."

Kilala rin bilang sikat na mang-aawit si Nora, at ilan sa kaniyang mga kanta ang "Pearly Shells" at "Tiny Bubbles."

Ikinasal siya kay Christopher de Leon noong 1975, ngunit naghiwalay sila kalaunan at na-annul ang kanilang kasal noong 1996. Mayroon silang limang anak: sina Ian, Lotlot, Matet, Kiko, at Kenneth.

 

 


-- FRJ, GMA Integrated News