Pumanaw na si Pilita Corrales na tinaguriang "Asia's Queen of Songs" sa edad 87.

Ito ang ibinahagi ng kaniyang apo na si Janine Gutierrez nitong Sabado.

"Pilita touched the lives of many, not only with her songs but also with her kindness and generosity. She will be remembered for her contributions to the entertainment industry, but most of all for her love of life and family," saad ni Janine.

"Please join us with your prayers and kind thoughts as we celebrate her beautiful life," pagpapatuloy niya.

Hindi naman nabanggit ni Janine ang dahilan ng pagpanaw ni Pilita, at ibabahagi pa sa mga darating na araw ang detalye ng memorial services.

Unang nakilala si Pilita sa Australia dahil sa kaniyang hit na "Come Closer to Me." Pagbalik niya naman sa Pilipinas, naging hit ang kaniyang kantang "A Million Thanks to You."

Mas nakilala pa siya sa telebisyon nang una siyang bumida sa "Your Evening with Pilita," at iba pang palabas at pelikula. Kabilang sa mga pinakabago niyang proyekto ang kaniyang special participation na "Enteng Kabisote 10 and the Abangers."

Napanood din siya sa maraming Kapuso shows gaya ng Lagot Ka... Isusumbong Kita! Celebrity Duets Season 1 at 2, Vampire Ang Daddy Ko, at Hay, Bahay!

Kabilang pa sa kaniyang hit songs ang "Kapantay Ay Langit," "Usahay," at "Ang Pipit." —Jamil Santos/ VAL/RF, GMA Integrated News