Kinaaliwan ng netizens ang isang edited photo ni Juancho Triviño bilang si Padre Salvi habang nasa labas ng Pinoy Big Brother House, na tila may hinahanap-hanap.

Sa kaniyang Instagram, na iniulat din sa Unang Balita nitong Miyerkoles, makikita si Juancho bilang si Padre Salvi na may hawak-hawak na hanger sa labas ng Bahay ni Kuya.

"Balita ko may nanggugulo dito ngayon ah," caption ni Juancho.

Nakuha naman ng netizens ang clue ni Juancho, na tinutukoy si David Licauco na house guest ngayon.
Karakter ni David si Fidel sa hit Kapuso series na "Maria Clara at Ibarra."

"Tila si Fidel ang iyong tinutukoy Padre Salvi,'' biro ng isang netizen.

"Sunduin na ang Pambansang Ginoo at sutil na Indio sa loob Padre [Salvi] hahaha," ayon sa isa pang netizen.

"[P]adrii naman hayaan mo muna mag enjoy si FIDEL sa bahay ni kuya," sabi ng isa pa. — Jamil Santos/VBL, GMA Integrated News