Inihayag ni Rufa Mae Quinto na legal pa rin silang mag-asawa ni Trevor Magallanes pero nagpasya na silang maghiwalay na.
Sa episode ng “Fast Talk with Boy Abunda” nitong Biyernes, sinabi ni Rufa na OK ang ugnayan nila ni Trevor at may respeto pa rin sa isa't isa.
“Move on muna. Pero we respect each other. Kasi nga masyado nang ano eh—’di ba para mag-clarity na rin lahat,” ani Rufa.
Hindi naman itinanggi ng aktres na may mga araw na nalulungkot siya.
“Siyempre mahal ko, asawa ko ‘yun eh, ‘di ba? Hanggang ngayon naman asawa ko pa rin naman siya eh. Kaya lang, ayaw na rin niya, so ayaw ko na rin at ginagalang ko ‘yun. Kasi mas kadiri naman kung ayaw ko pang tumigil, ‘di ba?” paliwanag niya.
Ayon kay Rufa, sinubukan nila ni Trevor na ayusin ang kanilang marriage pero mas masaya umano sila sa kanilang kalagayan ngayon.
“Kaya lang siguro gusto lang namin ng magkaiba... maraming dahilan na hindi na rin namin alam, basta mas masaya kami siguro nang ganito,” saad niya.
Kahit hiwalay na sila ni Trevor, sinabi ni Rufa na nais pa rin niyang ipaunawa sa kanilang anak na si Athena ang tungkol sa sitwasyon ng kaniyang ama.
“Sinasabi ko sa kaniya na your dad will always be your dad kahit anong mangyari. Ta’s kinakausap ko na lang siya. Siyempre may pinagdaanan din si Athena, na-depress din siya and everything, pero lagi kong sinasabi na tomorrow is another day,” ani Rufa.
Ipinapaliwanag din umano niya kay Athena na, “Tatay mo ‘yan, hindi naman mapapalitan, ‘di ba? ‘Yan ang daddy mo habambuhay. Kaya kung hindi siya ngayon available or gusto niyang mag-rest or away, space, eh OK ‘yun. Wait lang tayo.”
Ayon kay Rufa, nagsimula ang problema sa relasyon nila ni Trevor noong nakaraang taon, pero pinili niyang manahimik para sa kaniyang anak.
“Iniisip ko ‘yung anak ko na papaano ‘yun baka mag-adjust, masaktan,” aniya.
Taong 2016 nang magpakasal sina Rufa at Trevor, at isinilang ng aktres si Athena sa sumunod na taon.
Nitong nakaraang Enero, inihayag ni Rufa na may pinagdadaanan ang pagsasama nila ni Trevor.
Wala naman daw balak si Rufa na maghain ng diborsyo ngayong nakabase na sila sa Amerika. -- mula sa ulat ni Carby Basina/FRJ, GMA Integrated News