Pinangunahan ni Dingdong Dantes ang General Assembly ng League of Filipino Actors o Aktor PH nitong weekend. Dito, inilunsad nila ang kanilang website na may online database ng mga miyembro na magsisilbi nilang "global calling card."
Sa Chika Minute report ni Aubrey Carampel sa GMA News 24 Oras nitong Martes, inihayag ni Dingdong, tumatayong chairman ng organisasyon, ang mga plano ng kanilang grupo para sa kanilang mga kasapi.
Kasama na rito ang paglunsad ng kanilang website.
“Ito 'yung parang representation natin, hindi lang sa Pilipinas kundi pati future purposes, pati sa ibang bansa kapag may casting para sa mga artista. Ang goal namin ito ay maging top of mind website na puntahan nila to search for all the actors in the Philippines,” sabi ni Kapuso Primetime King.
Dinaluhan din ito ni Kapuso Primetime Queen Marian Rivera, pati ng ng iba pang mga artista muna sa iba't ibang network, entablado at pelikula, ang naturang pagtitipon.
Maliban sa website, magkakaroon din ng podcast ang mga artistang kasapi ng Aktor PH.
Isa pang layunin ng grupo ang mabigyan ng mga benepisyo ang kanilang mga miyembro gaya ng pagkakaroon ng health insurance, at may programa rin sila para sa mga senior citizen actor.
“‘Yung health insurance 'yung isa sa pinaka gap sa atin sa mga workers in the industry. If you become a member, you are entitled to a certain benefit,” sabi ni Dingdong.-- Jamil Santos/FRJ, GMA Integrated News
