Ibinahagi ni Ricardo Cepeda ang kaniyang karanasan sa 11-buwan na pagkakadetine dahil sa kinaharap na asuntong syndicated estafa na inihain laban sa kaniya noong 2023.
Sa episode ng “Fast Talk with Boy Abunda” nitong Biyernes, inilahad ni Ricardo, kasama ang kaniyang partner na si Marina Benipayo, ang mga pangyayari sa kaniyang pagkakaaresto, at naging epekto sa kaniya, at sa pamilya niya.
“I was working with this company, sa isang direct selling company, and ‘yung role ko in the company is a brand ambassador, a product ambassador. Which is I simply talk about my experiences using products that they distribute,” ani Ricardo.
Paliwanag ng aktor, dumadalo lang siya sa mga pagpupulong at presentasyon, at ibabahagi ang kaniyang testimonya sa stage.
“Nalaman namin na there were backdoor meetings, which he and the other speakers didn't know about,” sambit ni Marina.
Ayon kay Ricardo, hindi niya ang alam ang backdoor meetings at nag-aalok na mamuhunan.
“Habang we're doing this presentation, merong ibang meeting in a private area,” saad pa ng aktor.
Dati nang sinabi ni Ricardo endorser lang siya ng produkto at walang anumang kinalaman sa kompanya.
Nadetine ng 11-buwan sa Tuguegarao City sa Cagayan si Ricardo, bukod pa sa dalawang buwan sa Quezon City.
“Honestly, it's hard. It's hard,”sabi ni Ricardo kay Tito Boy sa kaniyang naging karanasan.
Sa kabilang ng pangyayari, sinabi ni Ricardo na nagpakatatag siya, at nakatulong umano ang mala-Philippine Military Academy training na ginawa sa kaniya noon ng kaniyang ama, na tila nasa barracks training lang muli siya.
“We've always felt that there was, you know, it sounds cliche, pero everything happens for a reason. There's a plan,” sabi ni Ricardo.
Nakatulong din umano sa kaniya na nagkaroon siya ng komunikasyon sa kaniyang pamilya habang nakadetine.
“My biggest worry, Boy, was how this will affect them outside,” ani Ricardo.
Ayon kay Marina, lagi niya ring dinadalaw si Ricardo sa detention facility sa Tuguegarao.
“If I'm having a hard time, lalo na siya, ‘di ba?” ani Marina. “I want to be there with him.”
Sa nakaraang panayam, nagpapasalamat si Ricardo kay Marina na itinuturing niyang "hero" sa pagsubok na kaniyang hinarap.
"Sabi ko nga she's my hero," anang aktor. "She really kept everything together na that's what helped me also inside knowing that somebody is taking charge outside."
Nakalaya siya matapos pumayag ang korte na magpiyansa siya noong September 2024.—mula sa ulat ni Carby Rose Basina/FRJ, GMA Integrated News
