Matapos ang nakaraang halalan, muling maglilingkod si Aiko Melendez bilang konsehal sa fifth district ng Quezon City. Pero deklara niya, hindi siya tatakbong mayor ng lungsod. Alamin kung bakit.
Sa episode ng "Fast Talk With Boy Abunda" nitong Lunes, napag-usapan ang posibilidad na tumakbo siyang alkalde ng Quezon City sa hinaharap.
"No. That's a very straight answer," sagot ng aktres. "No. I don't see myself in the administrative area, I'm more on the legislative."
Ang mga konsehal ang gumagawa ng mga ordinansa o batas na ipatutupad sa lungsod. Kasama rin sa trabaho nila ang paghimay sa mga programa at taunang pondo.
Nagsimulang maging konsehal si Aiko sa second district noong 2001 hanggang 2010. Tumakbo siyang kandidato bilang vice mayor ng lungsod noong 2010 elections pero hindi pinalad na manalo.
Noong 2022, tumakbo siyang konsehal sa fifth district at nanalo. Ang panalo nitong nakaraang Mayo ang ikalawa niyang termino bilang konsehal sa nabanggit na distrito.
Sa panayam ni Tito Boy, ipinaliwanag ni Aiko ang kaibahan sa bigat ng kontrobersiya ng showbiz at pulitika.
Paliwanag ni Aiko, bagaman magkapareho lang ang bigat ng kontrobersiya sa pulitika at showbiz na parehong puwedeng atakihan ang personal na buhay, pero sa pulitika, may kasamang boto.
"Dito [sa pulitika] may boto na involve. Kapat ang reputation mo ay na-tarnished, ang sacrifice niyan the next time around na tatakbo ka medyo mahirapan ka sa karera mo," ayon sa aktres.
Muli ring nanalo sa nakaraang halalan bilang kongresista ang asawa ni Aiko na si Rep. Jefferson "Jay" Khonghun.—FRJ, GMA Integrated News
