Ang Kapuso Comedy Genius na si Michael V ang "ipinatawag" sa bagong season ng showbiz vodcast na "Your Honor." 

Sa naturang episode, tinanong ng mga host sina Buboy Villar at Chariz Solomon si Michael V kung sino sa mga co-star niya sa "Bubble Gang" ang itinuturing niyang "pinakapasaway."

"Si Rufa Mae [Quinto]," natatawang sabi ni Michael V na tinatawag ding Bitoy. “Ang kulit niyan. Talagang ang bilis mag-shift ng attention niya."

Kuwento pa ng komendyante, "Pero in fairness to her, ha, kahit mabilis siyang ma-distract, pagka-take na, ‘yun na ‘yon. Gagawin na niya ‘yung eksena niya. Pero lalo nung nauso ‘yung cellphones, ‘yung smartphones, naku!, ayan na. Napapagalitan pa siya no’n dati na pinagsasabihan na, ‘Oh, tanggalin ‘yang mga cellphones.” 

Ipinakuwento rin ni Chariz kay Bitoy ang ugali ni Rufa Mae na mahilig magpa-high five.

“Halimbawa gumaniyan siya [nakataas ang kamay], tapos hindi mo [inapiran], mga three days after, inaantay ka [pa rin],” sabi ni Bitoy.

Sa kabila nito, pinuri ni Bitoy ang kabaitan at pagiging propesyonal ni Rufa sa trabaho.

“‘Pag nag-focus, talaga. Pasaway ‘yung tamang word eh,” sabi ni Bitoy.

Una rito, inilahad Chariz at Buboy, kung sino ang gusto nilang maging bisita sa bagong season ng naturang showbiz vodcast.

Napapanood ang “Bubble Gang” tuwing Linggo sa ganap na 6:15 p.m. sa GMA Network.

Mapapanood naman ang weekly session ng "Your Honor" tuwing Sabado, sa ganap na 8:15 pm, pagkatapos ng "Pepito Manaloto", sa YouLOL livestream. May Full episodes din sa YouTube, Spotify, at Apple Podcast livestream. — mula sa ulat ni Carby Basina/FRJ, GMA Integrated News