Itinigil na ng Police Community Affairs and Development Group ang kanilang kasunduan sa social media personality na si Rendon Labador bilang fitness program coach ng kanilang unit.

“Naputol na po 'yung engagement ng PCADG po sa kaniya,” sabi ni PNP spokesperson Police Brigadier General Jean Fajardo sa isang pahayag, na iniulat sa 24 Oras nitong Martes.

“According to General Saro there was a misunderstanding in terms of the engagement with the concerned individual. Probably na-excite lang siguro si ginoong Rendon noong magkausap sila,” dagdag ni Fajardo.

Hindi naman nagbigay ng karagdagang pahayag si Fajardo kung may kaugnayan ito sa natanggap na puna ng PCADG nang kunin si Labador bilang fitness coach.

“I cannot second guess po kung ano po ang naging reason why they stop 'yung engagement kay ginoong Rendon,” ani Fajardo.

Una rito, inihayag ni PNP chief Nicolas Torre III na dapat magbawas ng timbang ang mga matatabang pulis kaya lumutang ang pangalan ni Labador.

May mensahe pa noon si Labador sa kaniyang bashers at haters kung handa na silang makakita ng fit na pulis.

Samantala, nilinaw naman ng PNP na para lamang sa nasabing unit at hindi para sa buong PNP ang kasunduan kay Labador.

Dagdag ng PNP, wala silang kinukuhang personalidad para sa buong hanay ng pulisya.

Hindi ito ang unang pagkakataon na nagkaroon ng ugnayan si Labador sa PNP. Noong 2023, nakasama ang kontrobersiyal na influencer sa raid ng PNP Anti-Cybercrime Group sa isang online lending company sa Makati na nangha-harass umano.

Pero may mga umalma sa pagsama kay Labador sa ginawang pagsalakay dahil ni-livestream niya ito na kita ang mukha ng mga tao.

Humantong pa ito sa pagkakasibak noon sa puwesto ng tagapagsalita ng PNP-ACG. -- Jamil Santos/FRJ, GMA Integrated News