Sinabi ni Andrea Torres na single pa rin siya ngayon pero hindi naman niya isinasara ang pinto para umibig muli.

Sa episode ng “Fast Talk with Boy Abunda” nitong Martes, inihayag ng aktres na hindi naman bago sa kaniya na maging single nang matagal.

“Hindi na bago sa akin po 'to ah, kasi usually talaga, in between ng boyfriends ko, two years, three years, matagal talaga,” sabi ni Andrea.

Kinumpirma niya na si Derek pa rin ang huling naging karelasyon niya.

“Parang three years [ago] po ata kung tama ang bilang ko,” saad ni Andrea.

Nang tanungin kung bukas siya na magkaroon ng bagong relasyon, sinabi ng aktres na pumayag naman siyang makipag-date.

“Pagka sinabi ng friends ko na, ‘Uy, meet mo ‘to, feel ko bagay kayo.’ Sige, mi-meet ko 'yan. Tingnan natin,” kuwento niya.

Para kay Andrea, ayaw niyang pilitin ang sarili na pumasok sa isang relasyon. Mahalaga sa kaniya na makaramdan ng “spark,” may koneksyon ang isa't isa, at tinatawag niyang kilig factor.

“Alam kong once ma-feel ko ‘yun, dire-diretso na ‘yun,” anang aktres. “I'm sure 'pag ready na ako, darating ‘yan.”

Tungkol sa hitsura, sinabi ni Andrea na hindi magkakapareho ang physical appearance ng mga naging nobyo niya kaya hindi niya ito itinuturing mahalaga sa pagpili ng susunod niyang karelasyon.

“Feeling ko it's really sa ugali, kung mag-ja-jive kami, kung may pagka-old school siguro siya. Tsaka doon sa kilig na ‘yun. Importante ‘yun, ‘di ba, tito?” dagdag ni Andrea.

Nakatakdang bumida si Andrea sa upcoming series na “Akusada,” kasama sina Benjamin Alves, Lianne Valentin, Marco Masa, Sandy Andolong, at marami pang iba..

Sa direksyon ni Dominic Zapata, mapapanood ang "Akusada" simula sa June 30 sa ganap na 4 p.m. sa GMA Afternoon Prime. — mula sa ulat ni Carby Rose Basina/FRJ, GMA Integrated News