Inilahad ng veteran radio host na si Nicole Hyala na na-diagnosed siya na may thyroid cancer, na tinatawag umanong “friendliest" cancer.
Sa kaniyang social media, nagbahagi si Nicole ng kaniyang video dalawang linggo ang nakararaan at nagdetalye siya tungkol sa naging diagnosis sa kaniya.
“So… I just found out I have thyroid cancer," sabi ni Nicole sa caption.
"Surprisingly, I am calm. But before you panic, ayon sa mga eksperto, thyroid cancer is often called the "friendliest" cancer. And that’s good, because I’ve already been through worse,” pagpapatuloy niya.
Ayon kay Nicole, marami na siyang laban at mga panahon na hinarap na nagpabagsak at halos dumurog sa kaniya, ngunit pinilit niyang tumayo at ngumiti sa kaniyang pinagdadaanan.
“I’ve survived storms that could’ve drowned me, and this is just another wave I know I can ride, with God beside me,” sabi niya.
Ibinahagi ni Nicole na wala sa kaniyang plano ang diagnosis kundi plano ito ng Diyos. Naniniwala siya na sinamahan siya ng Maykapal sa mas malalalim na “daanan” noon, at nagtitiwalang sasamahan pa rin siya ng Diyos sa paglalakbay niya ngayon.
“Thyroid cancer. You’re just another name and I have faith in the One who’s above all names. So let’s do this, thyroid cancer. You picked the wrong girl. Mali ka ng kinalaban. Wag ako. Hahahahaha!” sabi niya.
Ibinahagi din ni Nicole na sasailalim siya sa thyroid surgery o thyroidectomy procedure sa Hulyo.
Ayon sa Mayo Clinic, ang thyroid cancer ay ang paglaki ng mga selula na nagsisimula sa thyroid. Bagama't madalas itong hindi nagpapakita ng mga maagang sintomas, maaari itong magdulot ng pamamaga ng leeg, pagbabago ng boses, hirap sa paglunok, at pamamaga ng mga lymph node.-- Jade Veronique Yap/Jamil Santos/FRJ, GMA Integrated News

