Sinorpresa ang balik-bansa na si Jewel Mische ng kaniyang mga ka-batchmate sa “StarStruck” Season 4 na sina Kris Bernal at Chariz Solomon sa ipinadala nilang mga mensahe.

Sa kaniyang guesting sa “Fast Talk with Boy Abunda,” ikinagulat ni Jewel nang sabihin sa kaniya ni Tito Boy na may ipinaabot sa kaniyang mensahe ang ilan niyang kaibigan sa showbiz industry.

Sa kaniyang mensahe, sinabi ni Kris na miss na niya si Jewel at ibinahagi ang kanilang mga pagbabago bilang mga ina.

"Grabe 'yung focus natin sa 'StarStruck,' sa pagiging artista pero ngayon nasaan na tayo? Mommies na tayo, and nakikita ko na talagang na-e-enjoy mo 'yung pagiging mommy ngayon,” ani Kris.

Dagdag ni Kris, masaya siyang nasa Pilipinas ngayon si Jewel at umaasang makagagawa sila ng isang proyekto.

"Sana makatrabaho kita, sana magkita tayo, let's catch up soon. Nami-miss na kita, mag-chikahan tayo. Pero happy ako na na-e-enjoy mo 'yung buhay mommy, na-e-enjoy mo ang family life. Ako, na-e-enjoy ko din, halika mag-usap tayo," sabi pa ng aktres.

Nagbigay din ng mensahe si Chariz kay Jewel at binalikan kung saan sila nagsimula 20 years ago—sa GMA Network.

"Welcome home, literally and figuratively, siyempre nandito tayo sa Sparkle na dating GMA Artist Center, dito tayo lahat nagsimula 20 years ago. Siyempre ikaw ang nagwagi na Ultimate Sweetheart and siyempre ikaw ang ultimate sweetheart ng family mo ngayon na napakaganda. I love it," sabi ni Chariz.

Hiniling din ng “Your Honor” host ang maraming blessing para kay Jewel.

"Sana i-bless pa ni Lord 'yung mga future plans mo kahit sa showbiz man 'yan or outside showbiz. And syempre, sana lagi kayong masaya as a family and healthy palagi. See you soon!," dagdag niya.

Sa kaniyang pagbabalik-tanaw, inihayag ni Jewel na “very misunderstood” siya noon o hindi naunawaan ng kaniyang mga kasabayan sa “StarStruck” Season 4.

“I think I was very misunderstood a lot. Kasi siguro among all of us, ako ‘yung parang hindi ko alam ‘yung pinapasok ko. Kasi some of them may experiences in the past with showbiz. Ako, galing sa probinsya, school lang po ‘yung alam ko. Ibang-ibang mundo ang StarStruck sa akin noon,” paliwanag ni Jewel.

Ikinasal si Jewel kay Alex Kurzer noong 2015, at mayroon na silang tatlong anak, na sina Aislah Rose, Emerald Jade, at Yzbel Quinn.—Jamil Santos/FRJ, GMA Integrated News