Naglabas na ng pahayag ang kampo ng aktres na si Gretchen Barretto nitong Biyernes matapos siyang isangkot ng isang akusado sa kaso ng nawawalang mga sabungero na pawang patay na umano.
Sa naturang pahayag na inilabas ni Atty. Alma Mallonga, abogado ni Gretchen, iginiit niya na walang katotohanan ang alegasyon laban sa kaniyang kliyente.
Sabi pa ni Mallonga, na isa lang ang kaniyang kliyente sa 20 mga investor sa kompanyang nag-o-operate ng e-sabong.
“She attended no meetings where approvals were sought nor given to implement the disappearances. The proposition is so absurd, it is a plain invention,” ayon kay Mallonga, kaugnay sa paglalarawan ng whistleblower na si Julie "Dondon" Patidongan, alyas Totoy, na “alpha member” umano ang aktres sa grupo na maraming nalalaman sa kaso ng nawawalang mga sabungero.
Nitong Huwebes, sinabi ni Justice Secretary Jesus Crispin Remulla na ikinokonsiderang mga suspek sa kaso at dapat imbestigahan sina Gretchen at ang negosyanteng si Atong Ang.
Inihayag ito ni Remulla makaraang pangalanan ni Patidongan sina Ang at Barretto na sangkot umano sa krimen.
Isa si Patigongan sa mga akusado sa kaso na nais nang maging testigo, at nangakong ilalahad ang lahat ng nalalaman niya para mabigyan ng hustisya ang mga biktima.
Nauna nang itinanggi ni Ang ang alegasyon laban sa kaniya, at sinabing tinangka siyang kikilan ni Patidongan ng P300 milyon para hindi isabit sa kaso.
Ayon kay Mallonga, may katulad na banta rin umano at tinangka ring pangingikil si Gretchen. Pero tumanggi umano ang aktres na magbigay ng pera dahil wala siyang kinalaman sa kaso.
Sinabi ni Mallonga na handang makikipagtulungan si Gretchen sa mga awtoridad sa imbestigasyon.
“Ms. Barretto awaits the result of the investigation and will fully cooperate in the process. This is her priority. In the meantime she beseeches the authorities to be fair and thorough, and for the public not to rush to judgment,” anang abogado.
“In the end, Ms. Barretto trusts that an objective investigation will prove her lack of involvement in the case and the unfairness and falsity of the accusations against her,” dagdag ni Mallonga. – Jamil Santos/FRJ, GMA Integrated News