Ipinagpasalamat ni Gladys Reyes na umiiwas sa tukso ang kaniyang asawang si Christopher Roxas. Ang aktres, may payo sa mga misis, sa mga nang-aakit, at sa inaakit.
“Lagi niya sinasabi na minsan na siyang lumakad sa... Lalo na noong kami ay mag-boyfriend at mag-girlfriend pa lamang. Siyempre marami talagang tukso, 'di ba?” sabi ni Gladys sa guesting nila ni Vina Morales sa “Fast Talk with Boy Abunda” nitong Huwebes.
“Kahit naman ngayon, sinasabi ng asawa ko na nagpapasalamat siya dahil hindi siya natutukso. Meron pa rin mga susubok at susubok,” pagpapatuloy niya.
Sabi naman ni Tito tungkol sa gandang lalaki ni Christopher, “He's a very attractive man tanggapin na natin.”
Ngunit sabi ni Gladys, kaniya lamang ang kaniyang asawa at wala nang may mag-aangkin nito.
“Kasi may paka-French din. Pero 'yung French na ‘yun, sa akin lang ‘yun. Kaya huwag na,” giit niya.
Para sa aktres, mahalaga ring may ginagawang hakbang ang mga maybahay para patuloy na maakit sa kanila ang kanilang mga asawa.
“Hangga’t maaari, huwag natin bigyan ng rason ang ating asawa para matukso. Sabi ko nga, hindi sa pantulog, panggising ang isuot mo,” biro niya.
Nagbigay din si Gladys ng payo sa mga taong nang-aakit ng ibang may karelasyon na.
“Sa mga nang-aakit, kung alam mo naman, siyempre na, pamilyado na 'yung tao. Lalo na, kung ito ay kasal na, siyempre dapat you know your boundaries. Sa inaakit, huwag ka naman mahinang nilalang. Kailangan magpakatatag ka, lalo na kung meron ka nang pamilya, na masasabi mo talagang sariling pamilya,” sabi pa ni Gladys.
“Kumbaga, napakarami namang lalaki din sa mundo. Napakarami rin babae. Kung alam mo naman na may may-ari roon, kailangan natin umatras para alam natin, makita natin 'yung bigger picture na, teka, maraming masasaktan kapag ginawa mo iyon,” patuloy niya.
Mapanonood na ang drama series na "Cruz vs. Cruz" na pinagbibidahan nina Gladys at Vina sa 3:20 p.m. sa GMA Afternoon Prime.
Kasama rin nila sina Neil Ryan Sese, Kristoffer Martin, Lexi Gonzales, Elijah Alejo, Pancho Magno, Gilleth Sandico, Caprice Cayetano at Cassy Lavarias.—FRJ, GMA Integrated News
