Inilahad ng big winner ng “Pinoy Big Brother: Celebrity Collab Edition" na si Mika Salamanca na alay niya sa kaniyang inang OFW ang luma niyang singing videos na muling naglalabasan at kinagigiliwan ng netizens.
Sa isang media conference ng Sparkle housemates ng “Pinoy Big Brother: Celebrity Collab Edition” nitong Huwebes, sinabi ni Mika na ang mga video noong kaniyang kabataan ay para sa kaniyang ina na si Mommy Bambie, na nagtatrabaho sa ibang bansa.
“'Yung mom ko po kasi ay isang OFW. Hindi po siya nakakapunta sa lahat ng events namin sa school. Wala po siya every time,” sabi ni Mika.
“So ‘yung mga pine-perform ko po sa school, bini-video ng ate ko, ng mga pinsan [ko], tapos pinapadala sa kaniy. Kasi po through that mapapanood niya po ‘yung performance ko na siya lang or solo niya nang malapit. Kaya po para sa nanay ko po ‘yung lahat ng videos ko,” pagpapatuloy niya.
Nagbahagi rin si Mika ng update tungkol sa kaniyang upcoming album. Nauna na niyang sinabi na gusto niyang ituloy ang karera sa musika ngayong nasa outside world na siya.
“Niluluto na po. And sobrang excited ko po at nandoon po ang ‘Sino Nga Ba Siya,’” ani Mika.
Kasama ni Nika na nanalo ang kaniyang ka-duo na si Brent Manalo.
Sa ngayon, bumibida siya bilang si Anaca sa “Encantadia Chronicles: Sang’gre.” – mula sa ulat ni Jade Veronique Yap/Jamil Santos/FRJ, GMA Integrated News
