Nagbalik-tanaw sina Nikko Natividad at Zeus Collins sa kanilang mga pinagdaanang hamon sa buhay, hanggang sa makapasok sila sa mundo ng showbiz. Si Nikko, nagtrabaho sa Dubai bilang florist.

Sa “Fast Talk with Boy Abunda” nitong Biyernes, binalikan nina Nikko at Zeus kung paanong marami silang sinubukan munang trabaho para matugunan ang kanilang mga pangangailangan.

“Marami akong napagdaang work,” pagbabahagi ni Nikko, na nagtrabaho noon bilang waiter at wedding coordinator.

Naglinis din siya noon ng mga jeep at nagtrabaho rin sa salon.

“Plantsa, blower, ayon. Kasi assistant eh. Muntik akong turuan maggupit talaga, kasi nga nakapag-abroad. Hindi ko naman gugustuhing matuto. Ang habol ko lang, Tito Boy, trabaho. Kita. Siyempre, dahil doon, kailangan mong matuto,” sabi niya.

Lumipad din si Nikko sa Dubai, United Arab Emirates at nagtrabaho bilang florist, kahit wala siyang alam a flower arrangement.

“Sinabi ko marunong ako kahit hindi. Kasi feeling ko, ang mindset ko dati, basta ‘pag nakapag-abroad, gaganda buhay. ’Di ba laging ganiyan noon? Basta makapunta lang ako, um-oo ako.”

Si Zeus naman, mahilig na sa pagsasayaw mula pa pagkabata.

“Bata pa lang ako mananayaw na talaga ako, mandirigma na ako,” kuwento niya.

“Tinuruan po kasi ako ng nanay ko, anim na taon pa lang ako. Nilalaban niya na ako sa fiesta, sa mga bara-barangay, kung saan-saan na ako nakakarating. Taong kalye talaga ako. As in, sa street talaga ako natutong sumayaw. ‘Yung mga kasama ko sa Pasay,” dagdag ni Zeus.

Katunayan, lagi pa siyang pinagagalitan ng ama dahil palagi siyang nasa kalsada at late na kung umuwi sa edad 9 o 10.

“Sa sobrang hirap ng buhay namin noon sa Pasay, 15, nagtrabaho na ako. Tumigil ako ng pag-aaral para makatulong na ako sa magulang ko. ‘Yun, dire-diretso na po. Wala na po akong alam na ibang trabaho,” sabi niya.

Hindi rin itinanggi ni Zeus na nakatanggap siya ng offer na magsayaw sa mga gay bar.

“Siyempre siguro dahil matangkad ako or kahit papaano, may katawan ako nang konti. Na-offer na po sa 'kin yan,” sabi niya.

Gayunman, tumanggi siya rito.

“Hindi ko naman po inaano ‘yung gumagawa ng mga gano’n. Ako naman, parang sabi ko sa sarili ko, ‘Hala, hindi ko kaya ‘yan. Kasi, siyempre may ibang skills ‘yan eh.’ Kasi bata pa ako noon eh. Gano’n pa ‘yung isip ko,” ani Zeus.

“Marunong naman akong sumayaw, magaling naman akong sumayaw. Siguro dito na lang ako. Hindi ko pa forte na pumasok pa diyan. Nilaban ko ‘yung talent na meron ako, na marunong akong mag-breakdance, mag-hiphop.”

Mapanonood ngayon si Zeus sa “Stars on the Floor,” kung saan host si Alden Richards, at napanonood tuwing Sabado sa GMA Network ng 7:15 p.m.-- FRJ GMA Integrated News