Inilahad ni Nancy Castiglione kung bakit bigla siyang nawala sa showbiz sa kasagsagan noon ng kaniyang kasikatan.

“Nabuntis po ako,” natatawang sagot ni Nancy nang tanungin sa “Fast Talk with Boy Abunda” nitong Martes, kung bakit niya iniwan noon ang showbiz.

Gayunman, sinabi ni Nancy na wala siyang pagsisi nang mawala siya ng16 taon sa showbiz para gampanan ang kaniyang papel sa tunay na buhay bilang isang ina.

“Ganu’n kasimple. It was hard tapos kambal pa. So, it really took over my life and put me in a new direction,” pagpapatuloy niya.

Para kay Nancy, gusto niyang maging tutok bilang isang ina sa kaniyang mga anak.

“And I think when there's a challenge like that, lahat ng energy mo dapat focus sa bagay na ‘yan,” saad niya.

Wala raw siyang pinagsisisihan sa kaniyang naging desisyon.

Masaya ngayon si Nancy na nagtatrabaho sa isang kompanya. Nasa Pilipinas na ulit siya ngayon matapos manirahan ng ilang taon sa Canada.

"Ako 'yung reverse immigrant, born ako sa Canada pero lagi akong bumabalik dito sa Philippines dahil I really love the Philippines. I love everything about it,” sabi niya.

Tatlong taon na siya sa Pilipinas, at may bunsong anak na si Riley.

Tinanong ni Tito Boy si Nancy kung may plano ba siyang bumalik sa showbiz.

"If there's an opportunity hindi ako mag-no-no agad. Open ako. Never ako mag-no-no or close 'yung doors ko," tugon niya.

Gumanap si Nancy bilang si Muyak sa dating Kapuso series na "Mulawin." Nag-crossover pa ang kaniyang karakter sa "Encantadia" noong 2005. – FRJ GMA Integrated News